Inaprubahan ng Sandiganbayan Fourth Division ang hiling ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos na makabiyahe ito sa Singapore upang sumailalim sa medical operation.
Naglabas ang anti-graft court nitong Biyernes ng isang resolusyon na nagbibigay ng pahintulot kay Abalos na magtungo sa Singapore mula kahapon hanggang Biyernes, Pebrero 5.
“That any violation of the terms and conditions contained in this resolution shall be sufficient ground for this Court to order forfeiture of travel bond, as well as to cause the issuance of a warrant for his arrest,” ayon sa Sandiganbayan.
Matuloy man o hindi ang kanyang biyahe sa Singapore, inatasan ng anti-graft court si Abalos na sumipot sa Fourth Division clerk of court at iprisinta ang passport nito sa loob ng limang araw matapos ang nakatakdang pagdating sa bansa.
Kung sakaling hindi makababalik sa Pilipinas, sinabi ng korte na binabalewala na ni Abalos ang kanyang karapatan na humarap sa mga pagdinig.
Matatandaan na unang pinayagan ng tribunal na makabiyahe si Abalos sa Singapore noong Setyembre upang sumailalim sa operasyon dahil sa iniinda nitong matinding pananakit ng likuran.
Si Abalos ay isa sa mga kapwa akusado ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo kaugnay ng naudlot na $329-million National Broadband Network-Zhong Xing Telecommunications Equipment International Investment Limited (NBN-ZTE) deal. (Jeffrey G. Damicog)