SABAY-SABAY nanood ang cast at staff ng All of Me sa last airing nila noong Biyernes at napaiyak lahat, kuwento ni Aaron Villaflor nang makita namin sa ABS-CBN.
“Siyempre po kasi walong buwan kaming nagkasama at sobrang hirap ang dinaanan naming lahat sa tapings, alam n’yo naman siguro lahat ‘yung nangyari,” sagot ng binata nang tanungin namin kung bakit may iyakan.
Oo nga, napakaganda ng kuwento ng All of Me na idinirek ni Dondon Santos at sina JM de Guzman, Yen Santos, Aaron at Albert Martinez ang bida, ‘tapos biglang nawala ang una.
“Kaya nga po nalungkot kaming lahat. Actually si JM as much as possible, kinakausap ko siya sa set. Alam naman natin ‘yung condition niya that time, di ba? Feeling niya, wala siyang kakampi, feeling niya, inaaway siya ng marami.
“Kaya ako, ipinaramdam ko sa kanya na, ‘Brad, kaya ako nandito para may kausap ka. Huwag ka mag-alala, hindi ka nag-iisa dito, bro. Wala kang kaaway dito, bro.’ Then ayoko nang iungkat iyong mga personal problems niya kasi wala naman akong karapatan. Sa kanya iyon, eh.
“Nandito lang kami, mga kaibigan niya, para i-guide siya sa mga gusto niyang i-open na problema, di ba, and at the end of the day, siya pa rin ‘yung magde-decide,” kuwento ni Aaron.
“Nalungkot lahat ng All of Me cast, iyong director namin, si Kuya Nars Gulmatico (executive producer) umiiyak, si Miss Maru (production manager), kasi hindi nila kagustuhan ‘yung nangyari, eh. So hopefully makabalik siya uli, di ba, kapag okay na okay na siya, kapag handa na siya sa trabaho. Welcome naman siya sa ABS anytime.”
Niliwanag din ni Aaron na hindi totoong iniklian ang kuwento ng All Of Me.
“I guess not naman, eh. Kasi as much as possible, we stick to the plot. It just so happened na ito, ganito ‘yung nangyari, nagkaroon ng problema. And thankful na rin kami kasi yung mga writers, gumawa sila ng paraan para i-twist ‘yung story at naisip nila si Tito Albert.
“Ang hirap din doon sa part nila kasi biglaan iyon, then hand-to-mouth pa kami every day, then naitawid. Kaya kanina sa last episode namin, ipinakita iyong mga scenes ni JM, ang daming nalungkot.
“Pagkatapos namin kunan iyong last day namin, pagkatapos ng taping, nagdasal kaming lahat na salamat sa friendship na nabuo, sa family. At ‘yung huling dasal namin na, ‘Pagdasal natin si JM.’ Makikita mo talaga na concerned lahat ng tao sa kanya.”
Samantala, wala pang alam na next project si Aaron at umaasang magkaroon kaagad ng follow-up ang All of Me dahil ayaw na niyang maranasan ang nangyari dati na inabot ng walong buwan na wala siyang trabaho.
“Sobrang nalungkot po talaga ako, kasi wala akong ginagawa noon at doon ako nag-decide na gusto ko nang mag-quit sa showbiz kasi hindi ko kaya (walang trabaho),” pagtatapat ng aktor.
Hindi raw ito alam ng Star Magic na nagma-manage sa kanya.
“Lately na lang po, kasi nahihiya ako, kasi feeling ko na kailangan kong maghintay, sa paghihintay ko, walang dumating kaya nalungkot ako ng mga panahong ‘yun, nabanggit ko rin sa manager ko na since wala naman akong trabaho, mag-aaral na lang ako siguro, pero hindi, nilabanan ko ‘yung feeling ko.
“Siguro ganito rin ang nararamdaman ng iba, ganito rin ang nangyayari sa kanila. Kaya humingi na ako ng tulong kay Lord na, ‘Lord, ikaw na po mag-isip para sa akin kasi nahihirapan na po ako.
“Sa awa ng Diyos, binigyan niya ako ng mga projects at saka dumating ang Juan dela Cruz (kasama si Coco Martin).
Pinakinggan Niya ‘yung dasal ko, ‘yung hinihiling ko at hayun doon na nag-start ang journey ko as an actor,” kuwento ni Aaron.
Hirap daw siya sa kaiisip sa araw-araw na wala siyang trabaho dahil nasanay siya na hindi natutulog dahil sa rami ng ginagawa simula nu’ng sumali siya sa SCQ (Star Circle Quest 2005).
“It’s a hard feeling for me and nalungkot talaga ako nang sobra, pero ngayon na sabi ko nga, nagsisimula pa lang ako, marami pa akong gustong gawin sa buhay at alam ko na hindi naman ako pababayaan ng ABS-CBN at ng Star Magic at Cornerstone dahil ginagawa ko naman ‘yung best ko sa mga projects na ibinibigay sa akin,” pahayag ni Aaron.
“Patience is a virtue na kahit gaano katagal like sa nangyari sa akin, eight months (na jobless), isipin mo wala kang trabaho, prayers of course and guidance of my parents na nakatulong din dahil siguro kung wala sila, malamang nag-drugs na ako.
“‘Yung parents ko talaga, they’re very supportive to me in my work, sa araw-araw na ginagawa ko and by this time na nandito ako sa industriya, nakapag-invest na rin ako, tumutulong ako sa kanila kasi dati sila ‘yung nahihirapan. So this time, ako naman ang mahirapan, kasi sila tumatanda na rin sila, kaya gusto kong ibalik ‘yung blessings na ibinigay nila, ayaw nila ‘yung term na ‘bumawi’
“Hardwork din talaga ang kailangan kasi kung puro hintay ka lang, wala ring mangyayari.”
Sa sampung taon ni Aaron sa showbiz, may investments na ba siya?
“May tatlong pintong townhouses po, pinauupahan ng parents ko, sila na ‘yung nagma-manage kasi sila naman ‘yung may alam. Katas po ng lahat ng trabaho ko simula nu’ng nag-artista ako,” napangiting sabi ng aktor.
Sariling bahay ang susunod niyang ipatatayo.
Pero hindi ibig sabihin ay mag-aasawa na siya kaya niya planong magkaroon ng sariling bahay.
Samantala, itinigil pala ni Aaron ang panliligaw niya sa leading lady niyang si Yen dahil, “Mas priority yata niya ang family niya binanggit niya sa akin. Hindi daw siya nagmamadali. Ako din naman, hindi ako nagmamadali. Nandito lang naman ako, kaya ‘nirespeto ko yung sinabi niya sa akin.”
Biniro namin si Aaron na baka may ibang gusto si Yen kaya sinabihan siyang family ang prayoridad nitp.
“Wala naman akong alam, wala rin akong nakikitang sumusundo,” mabilis na sagot sa amin.
Dagdag pa, “Not officially (na naging “sila”) pero more than friends, more than best friends.”
At sa last taping day nga raw ng AOM, “Right after taking our last day in taping, hi-nug niya ako nang matagal.
Parang siguro, pasasalamat na din, nakasama ko siya sa show.
“At nagpasalamat din ako sa kanya dahil hindi siya mahirap na katrabaho, iyon din ‘yung pinakaimportante sa trabaho kasi, kung willing ‘yung katrabaho mo na gawin ‘yung proyekto.
“So far, hindi ako nahirapan katrabaho si Yen at ‘nirerespeto ko kung ano iyong sinabi niya sa akin at hindi mawawala iyong friendship namin forever.” (REGGEE BONOAN)