Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. nitong Linggo na mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar kasunod ng implementasyon ng bagong labor policy sa education requirements sa nasabing bansa.
Inoobliga ng Supreme Education Council ng Qatar ang 12-year basic education, o kabuuang 16 taong edukasyon para sa educational qualifications ng mga banyagang manggagawa upang mairehistro bilang mga professional.
Maaapektuhan ng bagong polisiya ang tinatayang 12,000 Filipino engineers at architects, na hindi makapagparehistro sa Urban Planning and Development Authority (UPDA) ng Qatar dahil mayroon lamang silang 10 taong basic education.
Tiniyak ni Coloma na mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon ng mga OFW hindi lamang sa Qatar kundi sa buong daigdig.
Sa panayam ng Radyo ng Bayan, sinabi ni Coloma na inimpormahan siya ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ang mga kinatawan mula sa Commission on Higher Education (CHED) at Professional Regulation Commission (PRC) ay nakatakdang makipagpulong sa mga Qatari official upang talakayin ang usapin.
“Ayon po kay Secretary Baldoz ay nakatakdang makipagpulong sa Minister of Education ng Qatar at sa Qatar Supreme Education Council ang ating mga senior official, kabilang na si CHED Chairperson Secretary Patricia Licuanan at ang acting Chairperson ng Professional Regulation Commission Angeline Chua Chiaco, hinggil sa usaping ito upang maihain sa mga kinatawan ng Qatar ang posisyon ng ating pamahalaan na nagbibigay-suporta sa ating mga overseas Filipino workers,” sabi ni Coloma.
“Nagpahayag ng kumpiyansa si Secretary Baldoz na ang ating mga overseas Filipino workers, partikular na ang mga inhinyero at arkitekto, ay hindi naman seryosong maaapektuhan o madi-displace ng bagong patakaran dahil kung papansinsin natin, nagkaroon ng pagtaas pa sa pangangailangan ng Qatar para sa serbisyo ng ating mga manggagawa.
Mula sa bilang na 85,000 noong 2014, ito ay tumaas na sa mahigit 104,000 in 2015, at hanggang sa kasalukuyan, ang ating Department of Labor and Employment ay hindi pa nakakatanggap ng ulat hinggil sa displacement ng ating mga manggagawa dahil sa bagong patakaran nito,” dagdag niya.
Nitong nakaraang taon, sinimulan ng Pilipinas ang pagpapatupad sa K-to-12 educational system, ang kinikilalang pamantayan para sa mga estudyante at propesyunal sa buong mundo. (PNA)