Hindi na nakapalag ang dalawang teenager nang damputin sila ng isang security guard na naaktuhan silang nagnanakaw ng rubber shoes sa isang mall sa Pasay City, nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ng Baclaran Police Community (PCP-6) ang dalawang suspek na sina Juvan Capuno, 18; at Jeje Apaz, 19, kapwa residente ng No. 184 Gate 1, Maricaban, Pasay City.

Lumitaw sa imbestigasyon na naaktuhan ng security officer na si Jayton Santos sina Capuno at Apaz habang pinipitik ang dalawang kahon na naglalaman ng Nike at Adidas rubber shoes, sa Harrison Shoe Plaza.

Bago pa man natangay ng dalawang suspek ang mga mamahaling sapatos, sinabi ni Santos na napansin na niya ang kahina-hinalang kilos ng mga ito habang nagpapaikot-ikot sa loob ng tindahan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Matapos ang ilang minuto, nakita ni Santos nang tangayin ng dalawa ang mga kahon ng sapatos bago umiskiyerda palabas ng tindahan.

Bukod sa dalawang pares na sapatos na kanilang tinangay, nabawi rin ni Santos ang isang ice pick na may 10 pulgada ang haba mula kay Capuno. (Martin A. Sadongdong)