Dave Macasadia copy copy

MULA sa cell phone, sa restaurant, hanggang sa telenovela, hindi maitatanggi na nagkalat na sa Pilipinas ang mga produkto mula sa South Korea.

Tumingin ka sa paligid at nagkalat din ang mga Koreano na at-home na at-home sa Pilipinas.

Kaya hindi na rin mapigil ang pagpasok ng mga de-kalidad na sasakyan na gawang Korea.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Nitong Martes, inihayag ng Berjaya Motor Philippines ang pagpasok sa lokal na merkado ng SsangYong vehicles. Unang napadpad sa Pilipinas noong dekada ‘90 nang namayagpag ang Musso sport utility vehicle (SUV) at MB-100 family van, nagbabalik ang SsangYong sa ilalim ng kumpanyang Berjaya.

Ayon kay Dave Macasadia, dating after-sales director ng Mazda at ngayo’y managing director ng BMP, inaasahan nila na kakagatin ng mga motoristang Pinoy ang mga bagong modelo ng Ssangyong, gaya ng pagtangkilik nila sa dalawang kilalang Korean brand na Kia at Hyundai.

Ang Ssangyong ang ikaapat na pinakamabentang sasakyan at kumpanya sa South Korea.

Sa paglulunsad ng SsangYong Berjaya Motors Philippines, tatlong magagarang modelo ang agad na isinapubliko ni Macasadia—ang Tivoli 1.6-liter sub compact crossover (gasoline); Korando 2.0-liter compact SUV (gasoline at diesel); at Rodius 2.0-liter turbo diesel family van.

Inihayag din ni Macasadia na ang unang dealership ng SsangYong ay matatagpuan sa Quezon Avenue, Quezon City, sa tapat ng Mazda dealership.

Inaasahang tatlong dealership pa ang itatatag ng BMP sa Metro Manila, Cebu, at Davao City sa loob ng isang taon.

Positibo si Macasadia na magiging “hit” ang mga SsangYong vehicle sa bansa hindi lamang dahil sa magarang disenyo, makabagong teknolohiya, at matibay na pagkakagawa, kundi sa mas mababang presyo ng mga ito kumpara sa competitors bunsod ng nilagdaang ASEAN-Korea Free Trade Agreement ng South Korea at Pilipinas. (ARIS R. ILAGAN)