PEPE copy

DATI palang seaman si Pepe Herrera na mas kilala ngayon bilang si Benny, ang kaibigan cum alalay ni Coco Martin as Cardo sa Ang Probinsyano. At higit sa lahat, napagkakamalan siyang tatay ni Onyok (Zymon Ezekiel Pineda) dahil magkamukha sila.

‘Di sinasadya ang pagkikita namin ni Pepe sa bahay nina Sylvia Sanchez noong unang linggo ng Enero dahil pinapunta siya ni Arjo Atayde o si Police Inspector Joaquin Tuazon.

Naka-shorts ng maong at t-shirt na walang manggas si Pepe at itinatago ang kulot na buhok sa suot na baseball cap.

Trending

Co-founder ng Lola Nena’s nagsalita sa isyu ng ‘working lunch’ video

Kung mahiyain at mahinahon siyang magsalita sa Ang Probinsyano, ganoon din pala siya sa personal.

Nagkagulatan kami nang bigla siyang pumasok mula sa dining room area, nagmamadali at hinahanap ang comfort room pero pinigil namin dahil inusisa namin ang tunay niyang pangalan.

Sabay paalam dahil ihing-ihi na raw siya at nangakong babalik, pero hindi na bumalik dahil nahihiya raw siya.

Pero bago umalis para mag-dinner sa labas kasama sina Arjo, Maja Salvador, Thou Reyes at iba pang co-stars nila sa Ang Probinsyano ay pinagtatanong namin si Pepe.

“Dati po akong seaman, umabot lang po ako ng two years, ayoko na kasi mahirap pala. So naging tambay po ako hanggang sa may nagsabing mag-audition po ako sa Rak of Aegis (musical show). Hayun po, natanggap naman ako sa awa ng Diyos,” kuwento niya.

So, kumakanta pala siya?

“Ano po, nagustuhan naman po,” nahiyang sagot sa amin.

Huwag isnabin, nagtapos ng Conservatory of Music sa University of Santo Tomas si Pepe kaya may alam sa musika at miyembro ng PETA (Philippine Educational Theater Association).

Napanood namin ang Rak of Aegis, pero hindi namin siya nakita, ano ba ang naging papel niya?

“Ano po, ako po si Tolits, alternate po ni Jerald Napoles. ‘Pag weekend po, si Jerald, sa hapon po ako. Hindi po kasi nagtugma ang schedule ko kasi nagti-taping po ako noon,” paliwanag niya.

ABS-CBN Star Magic ang namamahala ng career ni Pepe at masaya siya kasi maganda ang takbo ng career niya ngayon.

Ang dami-dami na niyang naging show pero sa Ang Probinsyano lang siya napansin.

Napanood din siya sa #WalangForever bilang best friend ni Jericho Rosales.

Binata pa si Pepe at walang girlfriend pero hindi naman siya naghahanap dahil ini-enjoy pa niya ang career niya at gusto niyang mag-ipon. (REGGEE BONOAN)