Isang 38-anyos na Swiss ang natagpuang patay sa loob ng Club Oasis Fitness Center ng New World Manila Bay Hotel sa Ermita, Manila nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Richard Prader, nangungupahan sa Room No. 2936 ng naturang hotel.

Ayon sa salaysay ni Dr. Orlando Fileteo, hotel physician, patay na nang isugod si Prader sa Manila Doctors’ Hospital, dakong 6:11 ng gabi nitong Sabado.

Napag-alaman din ng mga imbestigador kay Fileteo na nakita niyang nag-eensayo ng shadow boxing ang Swiss nang bigla itong tumumba at nawalan ng malay, dakong 5:15 ng hapon.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Tinangka pa umanong bigyan ni Fileteo ng cardio pulmonary resuscitation (CPR) ang biktima subalit bigo pa rin ang doktor na sagipin ito.

Lumitaw din sa pagsusuri sa bangkay ng biktima na wala itong senyales ng physical injuries.

Inaalam pa rin ng awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng banyaga. - Argyll Cyrus B. Geducos