VILMA2 copy

SA istorya ng pelikulang Everything About Her, hindi kasundo ng karakter ni Ms. Vilma Santos si Xian Lim na gumaganap namang anak niya kaya natanong ang gobernadora ng Batangas kung nangyari na ba ito sa tunay na buhay o sa kanila ng dalawang anak niyang sina Ryan Christian at Luis Manzano.

Nagulat ang entertainment press na dumalo sa grand presscon ng pelikula nang aminin ng Star for All Seasons na nagkaroon din sila ng problema ni Luis, kasi nga unaware ang lahat dahil hindi naman ito lumabas sa media.

Magkakaiba raw ang stages ng relasyon ng ina at anak, mula sa infancy hanggang childhood iba naman ang samahan pagtuntong sa adolescence at teenage years, at iba na naman kapag nagma-mature na ang anak.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Kuwento ni Ate Vi, edad 18 o 19 noon ang panganay niya nang umuuwi itong lasing kaya tinanong niya kung ano ang problema at bakit laging umiinom.

“Sinagot niya ako ng, ‘Because I don’t know what I want in life’” kuwento ni Ate Vi.

Dumadaan daw talaga sa buhay ng mag-ina ang ganitong problema, na nagiging rebelde ang anak.

May nagtanong kung nag-take ng drugs si Luis.

“Hindi ko alam, eh. Pero dumaan siya sa pag-inom, nagkaroon ng masamang barkada. But I am very proud, look at Lucky now, ‘di ba? And the good thing is, he was able to survive. Naka-guide lang kami sa kanya, but he was able to survive by himself with the guidance of the parents. So, I’m very proud of my son.”

In fairness kay Luis, hindi nga ito nabalitaan ng press at magaling siyang magtago kung gayon?

Gusto rin tuloy naming interbyuhin nang solo si Luis para magkuwento tungkol sa bahaging iyon ng buhay na dinaanan niya.

Anyway, sa pelikulang Everything About Her ay masama ang ugali ng karakter ni Ate Vi bilang si Vivian, maliit ang tingin niya sa lahat ng mga taong nakapaligid sa kanya kasi nga pinakamataas ang posisyon niya sa kumpanya.

Pero hindi kayang gamutin ng power at marami niyang pera at mga mamahaling gamit ang kanser niya, kaya naman isa sa mga naging lively discussion sa presson ang pagsuka niya sa Hermes bag na ipinangsalo ng gumaganap namang nurse niya na si Angel Locsin.

Hindi kaila na maraming branded bag, pati alahas, si Ate Vi kaya natanong siya na kung sakaling matuloy na maging manugang niya si Angel ay sa kanya ba niya ipamamana ang mga iyon.

“Hindi naman kaya, mas maraming ganito si Angel kesa sa akin,” tumatawang sagot ni Ate Vi na sinundan ng, “Why not?”

Samantala, may nagkomento na mukhang pang-best actress ang acting nila sa Everything About Her, kaya pinuri ni Ate Vi si Angel na nakita raw niya ang concentration at effort sa shooting.

“Nu’ng ginagawa namin ito, wala namang nagdayalog ng, ‘O, itong scene natin, pam-best actress, ha?’ Hindi namin napag-usapan ‘yon,” kuwento ng future mother-in-law ni Angel. “Because this is a simple comedy with drama na ang importante, ‘yung meaning ng pelikula because love, ‘yun eh, forgiveness, especially ‘pag pinag-usapan ang pamilya.”

Ilang beses daw nasapok ni Ate Vi si Angel na kailangan sa istorya kaya naman panay ang hingi rin niya ng dispensa pagkatapos ng eksena.

Mapapanood ang Everything About Her simula sa Enero 27 mula sa direksiyon ni Bb. Joyce Bernal handog ng Star Cinema.

(REGGEE BONOAN)