Agad nasibak ang dalawa sa apat na mga filipinong netter na sina Jeson Patrombon at Alfredo Lim Jr. sa ikalawang araw ng Asian Tennis Professional (ATP) Challenger Philippine Open sa Rizal Memorial Tennis Center.

Huling nabigo ang numero unong netter ng bansa na si Patrombon, 2-6, 2-6, sa laban nito na inabot ng 1 oras at 26 minuto kontra sa 5th seed at world ranked 127th na si Kimmer Coppejans ng Belgium kahapon ng umaga.

Naunang napatalsik ang 16-anyos at ika-12 sa International Tennis Federation (ITF) juniors world ranking na si AJ Lim sa torneo na may nakalaang $75,000 papremyo matapos yumukod sa 33-anyos na si David Guez ng France noong Lunes ng gabi.

Habang isinasara ang pahinang ito ay nakatakdang lumaban ang Filipino-American na si Ruben Gonzales at dating Australian Open juniors doubles champion na si Francis Casey Alcantara.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakatakdang sagupain ni Alcantara si Amir Weintraub ng Israel habang matinding pagsubok din ang pagdaraanan ni Gonzales sa pakikipagtuos kay seventh seed Igor Sijsling ng Netherlands.

Nakalaan ang tumataginting na $10,800 para sa magka-kampeon sa torneo habang may $6,360 naman ang runner-up, at tig- $3,765 ang semifinalists. (Angie Oredo)