Magbabasagan ng mukha sina Nelson Tinampay at Jonel Gadapan para sa bakanteng World Boxing Federation (WBF) Asia Pacific lightweight title sa sa Enero 31 sa Iligan City, Lanao del Norte.

Sinimulan ni Tinampay ang kanyang karera na walang bahid ng talo ngunit nasira ito sa kanyang ikawalong laban nang lupigin siya ng beteranong si Rodel Wenceslao sa bisa ng “ten round unanimous decision” noong Agosto 2014.

Subalit mabilis na nakabalik ang fighter na tubong Dagohoy, Bohol at ikinamada ang dalawang sunod na tagumpay kina William George at Richard Betos.

Samantala, hindi na baguhan sa loob ng ring ang 28 anyos na si Gadapan. Sumabak na siya sa mga engkuwentro sa Thailand, Mexico at Japan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Noong Nobyembre 2014, itinala ng residente ng Iligan City ang “technical knockout” (TKO) na panalo kontra kay Yuji Itani sa Hyogo, Japan.

Huling sumabak si Gadapan noong Nobyembre at isinalansan ang impresibong “first round TKO” kay Roland Teofilo sa Iligan City.

Hawak ni Tinampay ang 9-1-1 (4 knockouts) record habang mayroon namang 10-8-2 (6 knockouts) si Gadapan. - Gilbert Espeña