PAIIGTINGIN ng Indonesia ang depensa nito laban sa Islamic State at makikipagtulungan sa mga kalapit nitong bansa upang labanan ang terorismo.

Ito ang sinabi ng hepe ng pambansang pulisya ng Indonesia kahapon, isang araw makaraan ang pag-atake ng mga suicide bomber at armadong grupo sa pusod ng kabisera ng bansa sa Southeast Asia.

Pitong katao ang nasawi sa tatlong-oras na pag-atake malapit sa isang abalang shopping district sa kabila ng maraming pagsabog at kabi-kabilang sagupaan, at lima sa mga ito ay ang mismong mga salarin.

Ito ang unang pagkakataon na pinuntirya ng teroristang grupo ang bansang Muslim na may pinakamalaking populasyon, at ang matapang na pag-atake ay nagpapakita ng bagong paraan ng pagsuway sa bansang bibihirang kalabanin ang pulisya.

Inalerto ang mga hepe ng pulisya sa buong bansa, ilang embahada sa Jakarta ang isinara sa araw na iyon at pinaigting ang seguridad sa isla ng Bali, na dinadayo ng mga turista mula sa Australia at sa iba pang bansa sa Asia.

Iniulat ng media na tatlong katao na hinihinalang nagplano sa mga pag-atake ang dinakip bago magmadaling-araw sa Depok, sa timog ng Jakarta. Iniulat ng Metro TV na walang senyales na ang tatlo—isang gumagawa ng bomba, isang eksperto sa baril, at isang Pastor—ay may kaugnayan sa mga pag-atake nitong Huwebes.

“We need to pay very serious attention to the rise of ISIS,” sinabi ni Jakarta Police Chief Tito Karnavian sa mga mamamahayag sa labas ng pinakamatandang department store sa siyudad, ang Sarinah, na rito nangyari ang pag-atake.

“We need to strengthen our response and preventive measures, including legislation to prevent them…and we hope our counterparts in other countries can work together because it is not home-grown terrorism, it is part of the ISIS network,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Luhut Pandjaitan, chief security minister ng Indonesia, sa mga mamamahayag na nakikipagtulungan na ang kanyang tanggapan sa parlamento upang amyendahan ang batas na magpapahintulot ng preemptive arrests.

Isang Indonesian at isang lalaki na Canadian-Algerian ang napatay. Dalawampu’t apat na katao naman ang nasugatan, kabilang ang isang Austrian, isang German, at isang Dutch.

Sa pag-ako nito sa pag-atake, sinabi ng Islamic State na “a group of soldiers of the caliphate in Indonesia targeted a gathering from the crusader alliance that fights the Islamic State in Jakarta”.

Kinumpirma ni Karnavian na ang Islamic State ang responsable at tinukoy ang militanteng Indonesian na si Bahrun Naim bilang utak sa mga pag-atake.

Naniniwala ang pulisya na pinangunahan ni Naim ang isang grupo ng mga rebelde na tinatawag na Katibah Nusantara at suportado ng Raqqa, ang de facto capital ng Islamic State sa Syria.

“His vision is to unite all ISIS supporting elements in Southeast Asia, including Indonesia, Malaysia and the Philippines,” sabi ni Karnavian.

Ang mga rebeldeng Muslim mula sa Indonesia, Malaysia, at Pilipinas ay matagal nang nagtutulungan at ilang Malaysian ang nakumpirmang nagsagawa na ng mga suicide attack sa Gitnang Silangan. (Reuters)