JAKARTA, Indonesia (AP) — Nagimbal ang mga Indonesian ngunit hindi nagpapatinag matapos ang madugong pambobomba sa central Jakarta na inako ng grupong Islamic State.
Sa isang bagong development, sinabi ng pulisya kahapon na inaresto nila ang tatlong lalaki sa hinalang may kaugnayan ang mga ito sa pag-atake na ikinamatay ng pitong katao kabilang na ang limang suspek.
Naka-cordon pa rin ang lugar malapit sa Starbucks coffee shop na roon nagsimula ang pag-atake ng mga suicide bomber at armadong kalalakihan at nagkalat ang pulis sa paligid.
Isang malaking screen sa ibabaw ng gusali ang nagpapakita ng mensaheng “#prayforjakarta” at “Indonesia Unite.”
Sinabi ni Depok area police chief Col. Dwiyono sa MetroTV na inaresto ang tatlong lalaki, kahapon ng madaling araw sa kanilang mga bahay sa Depok, ang katabing lungsod ng Jakarta.