Dahil sa pagkawala ng mga koponan na dating nagdodomina sa liga, makakaasa ang mga fans na magkakaroon ng mas maigting na labanan sa darating na PBA D-League Aspirants Cup.

Katunayan, inaasahang magiging malawak ang magiging tunggalian para sa titulo sa mga koponang kalahok sa taong ito.

Gayunpaman, itinalaga pa ring isa sa mga paborito ang reigning Foundation Cup champion Café France, ang tanging nalabing koponan mula sa 13 bumuo at sumali sa liga sa pagsisimula nito noong 2011.

“Continuity” o tuluy-tuloy na pagdi-develop ng players ang siyang susi para sa Bakers na binuo ni coach Egay Macaraya mula sa core ng kanyang hawak na koponan ng Centro Escolar University na sinamahan niya ng ilang mga mahuhusay na manlalaro para makamtan ang asam nilang kampeonato noong nakaraang taong Foundation Cup.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa taong ito, hangad ni Macaraya na ang kanyang mga nalalabing CEU stars na sina Cameroonian Rod Ebondo, Samboy de Leon at Mon Abundo ay magpapatuloy sa kanilang paglalaro ng mataas na level ng basketball sa kanilang hangad na pagtatatag ng panibagong “D-League dynasty” kasunod ng pagkawala ng mga koponang NLEX, Blackwater, Hapee, Cagayan at Cebuana Lhuillier.

“Of course we will compete to the best of our capabilities and we will try to duplicate our achievement last conference,” ani Macaraya.

Apat pang school based squads ang nakatakdang lumahok sa torneo na kinabibilangan ng Phoenix Petroleum na bubuuin ng reigning UAAP champion Far Eastern University.

Nariyan din ang nagbabalik na BDO-National University at ang AMA University kasama ang baguhang Jam Liner - University of the Philippines.

“With a lot of new players and new teams this season of the D-League should be very interesting and exciting,” ayon kay PBA commissioner Chito Narvasa.

Ang iba pang mga koponang kalahok sa liga at inaasahang magiging kaagaw ng Café France sa titulo ay ang Tanduay Light Rhum Masters, Caida Tiles, Mindanao Aguilas at ang nagbabalik ding Wangs Basketball.

Magsisimula ang torneo sa pamamagitan ng double header sa San Juan Arena sa Enero 21 kung saan magtutuos ang Caida Tiles at ang Tanduay Light sa unang laban ganap na 2:00 ng hapon na susundan ng salpukang BDO-NU at Jam Liner - UP sa tampok na laro ganap na 4:00 ng hapon. (Christian jacinto)