Nananatiling isang misteryo ang naging partisipasyon ni Pangulong Aquino sa madugong operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, na 44 na police commando ang brutal na napatay.

Ito ang dahilan kung bakit pursigido si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na buhayin ang imbestigasyon ng Senado sa palpak na operasyon ng PNP-SAF na nakasagupa ng malaking bilang ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Ito ay sa kabila ng pagkakaabsuwelto sa Pangulo sa pananagutan sa madugong operasyon, na rito ay napatay din ang pangunahing target ng mga police commando na sina Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan”.

“Nais kong malaman kung ano ang naging papel niya (Aquino) sa buong proyekto. Kanilang proyekto ba ito? Ito ba ay proyekto ng Philippine government o may iba pang may interesado rito?” tanong ni Enrile.

National

5.0-magnitude na lindol, yumanig sa Eastern Samar

Iginiit ni Enrile na nakatutok ang kanyang mga tanong sa imbestigasyon sa naging papel ni Pangulong Aquino, na hindi, aniya, malinaw sa inilabas na Senate committee report.

Muling bubuksan ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre case sa Enero 25, 2016, kasabay ng unang anibersaryo ng pagkasawi ng tinaguriang “SAF 44”. (Hannah L. Torregoza)