Umaabot sa 740 police commander ang inilipat ng puwesto sa unang yugto ng balasahan na ipinatupad ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ngayong panahon ng eleksiyon.

Subalit iginiit ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na ang balasahan sa hanay ng mga police commander sa iba’t ibang lugar ay bahagi ng “regular re-organization” dahil nakumpleto na ng mga ito ang two-year maximum term limit sa paghawak sa kanilang assigned post.

Mula sa naturang bilang, sinabi ni Mayor na 25 sa mga ito ay mga dating provincial director, siyam ay city director, 27 ay commander ng mga PNP maneuver unit sa mga lalawigan, 147 ang chief of police, at 532 ang iba pang opisyal.

Una nang sinabi ni Mayor na ililipat ng puwesto ang isang police commander kung makukumpirma na may kamag-anak itong kandidato sa lugar na roon ito nakatalaga.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Aniya, awtomatiko itong ipatutupad kung mayroong kamag-anak ang isang pulis hanggang 4th degree of consanguinity na kakandidato sa Mayo 9.

“But there is always a possibility that you will be assigned back after the election period,” ani Mayor.

(Aaron Recuenco)