Matapos ang kanilang kauna-unahang playoff appearance sa ginaganap na Philippine Cup, umaasa si Blackwater coach Leo Isaac na masusundan ito matapos kunin ang serbisyo ni Malcolm “M.J.” Rhett bilang imprt sa darating na PBA Commissioner’s Cup.
Para kay Isaac, hindi nalalayo ang dating Ole Miss Rebel big man sa Miami Heat star big man na si Chris Bosh.
Batay aniya sa mga napanood nilang mga videos ng 240-pound at kaliweteng forward center malaki aniya ang hawig ng laro nit okay Bosh.
Sa inaasahang pagdating ni Rhett, magkakaroon ng dagdag na scoring at rebounding ang Elite kapag nagkasama na sila ng malaki ang naging improvement na sentrong si JP Erram at ang pangunahing rookie ng team na si Art de la Cruz.
Manggagling si Rhett sa paglalaro mula sa BK Barons KVartals Riga sa Latvian League kung saan siya nagposte ng average na 10.6 puntos at 8.1 rebounds.
Inaasahan din ni Isaac na siguradong magpapakitang-gilas si Rhett sa paglalaro nito sa Blackwater lalo pa’t hindi ito nakuha sa nakaraang taong NBA draft.
Ayon pa kay Isaac, maliksi at mabilis kumilos ang 23-anyos na si Rhett para sa kanyang laki at may taglay pa itong mid-range game at puwede ring makipagbanggaan sa loob.
Sa pamumuno ni Carlo Lastimosa sa opensa at sa liderato ni Mike Cortez bilang playmaker, inaasahang magiging mabilis ang koponan ng Elite sa second conference.
Umaasa rin si Isaac na aangat pa ang Blackwater na nagwagi lamang ng apat na laro sa nakaraang season mula sa ika-10 puwestong pagtatapos sa Philippine Cup makaraang mabigo sa kamay ng Rain or Shine sa first phase ng quarterfinals.