INAKUSAHAN ng civil aviation authority ng Vietnam ang China ng pagbabanta sa kaligtasang panghimpapawid sa rehiyon sa pagsasagawa nito ng mga hindi naitimbreng biyahe sa ibaba ng pinag-aagawang South China Sea.

Nagbabala ang Civil Aviation Authority of Vietnam (CAAV) na ang mga hindi naitimbreng biyahe “threaten the safety of all flights in the region”. Ito ang iniulat ng pahayagang Tuoi Tre Daily.

Batay sa mga artikulong inilathala sa opisyal na online na pahayagan ng Vietnam na Zing.vn nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni CAAV Director Lai Xuan Thanh na naipadala na nila sa Beijing ang liham ng protesta tungkol sa mga biyaheng panghimpapawid, gayundin ang reklamo ng Vietnam sa International Civil Aviation Organization (ICAO) ng United Nations.

“Chinese aircraft have ignored all the rules and norms of the ICAO by not providing any flight plans or maintaining any radio contact with Vietnam’s air traffic control centre,” sabi ni Thanh.

Pitong araw bago ang Enero 8, nakapagtala ang Vietnam ng 46 na insidente ng paglipad nang walang babala ng mga eroplano ng China sa himpapawid na sinusubaybayan ng air traffic control sa katimugang metropolis ng Ho Chi Minh City, ayon sa pahayagang Tuoi Tre Daily ay sinabi ng civilian aviation authorities.

Nitong Miyerkules, iniulat ng Chinese state media na dalawang civilian plane ang lumapag sa isang isla sa Fiery Cross reef sa kontrobersiyal na Spratly Islands, na matagal nang pinag-aagawan ng Vietnam at ng higanteng kalapit-bansa nito.

Ang dalawang “test flights” nitong Miyerkules ay kasunod ng inisyal na aircraft landing nitong Sabado, na paksa ng unang pormal na diplomatic complaint ng Hanoi.

Ang Spratlys ay inaangkin ng Hanoi ngunit kontrolado ng Beijing, na pinaigting ang mga aktibidad sa lugar sa mabilisang pagtatayo ng mga artipisyal na isla, kabilang ang mga airstrip na sinasabing makakayang tumanggap ng mga military jet.

Ang huling biyahe, na tinuligsa ng Vietnam bilang “serious violation” sa soberanya nito, ay nagbunsod ng pandaigdigang alarma, at nagbabala pa ang United States nitong Huwebes na ang nangyari ay tiyak nang magpapatindi sa tensiyon sa paligid ng pinag-aagawang karagatan.

Inihayag naman ng Pilipinas na maghahain din ito ng sariling pormal na protesta.

Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, na kinokontra naman ng may kani-kanya rin umanong teritoryo sa lugar na Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan.