Nakalusot kahapon ang University of Perpetual Help sa matinding hamon ng upset conscious San Beda College, 23-25, 25-19, 27-29, 25-15, 15-7 upang manatiling walang talo sa men’s division sa NCAA Season 78 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nagtala ng 13 hits at 1 ace si Allan Sala-an para sa kabuuang 14 puntos upang pangunahan ang nasabing panalo ng Altas ni coach Sammy Acaylar.
Nag-ambag naman sina Relan Taneo at Philippe Abcede ng 12 at 10 puntos upang panatilihing malinis ang imahe ng Perpetual Help men’s squad matapos ang anim na outings.
Nabalewala naman ang game high 19 puntos gayundin ang sumunod na 15 puntos nina Mark Enciso at Alfie Mascarinas matapos kapusin ang Red Lions sa decider set at bumagsak sa kanilang ikaanim na kabiguan sa loob ng pitong laban.
Napanatili naman ng defending men’s champion Emilio Aguinaldo College ang pag-agapay sa pamumuno matapos makamit ang ikawalong panalo sa walong laro matapos ungusan ang last year’s losing finalist College of St. Benilde, sa straight sets, 25-17, 25-23, 25-21.
Humataw ng 21 hits, 3 blocks at 2 aces para sa kabuuang 26 puntos ang reigning MVP na si Howard Mojica upang pangunahan ang nasabing panalo.
Nanguna naman para sa Blazers, na nanatiling nasa ikatlong puwesto kapantay ng San Beda Red Lions, taglay ang barahang 5-3, panalo-talo, si Racmade Etrone na may 13 puntos.
Sa kababaihan, pumantay naman sa ikalawang puwesto sa defending champion Arellano University ang St. Benilde Lady Blazers matapos igupo ang Eac Lady Generals, 25-15, 25-12, 18-25, 25-20.
Gaya ng dati, namuno para sa CSB si Janine Navarro na tumapos na may 20 puntos na kinapapalooban ng 16 hits at 4 na blocks.
Nauwi naman sa wala ang game-high 21 puntos ni Ma. Nergina Pagdanganan makaraang bumagsak ang Lady Generals sa ika-anim na kabiguan sa loob ng siyam na laban.
Pinalakas naman ng Univeristy of Perpetual Lady Altas ang pag-asang umusad sa Final Four makaraang pasadsarin ang San Beda College Red Lionesses, 25-19, 25-21,25-23.
Dahil sa tagumpay, umangat ang Lady Altas na pinangunahan ni Jamela Suyat na may 16 puntos sa solong ikatlong puwesto hawak ang barahang 5-2, panalo-talo.
Gaya naman ng Lady Generals, bumaba ang San Beda sa ikaanim na pagkabigo sa laoob ng siyam na laro.