Sugatan ang isang siyam na taong gulang na babae matapos tamaan ng ligaw na bala sa Marikina City, noong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Senior Supt. Vincent Calanoga, Marikina City Police Station chief, ang biktima na si Francia Grace Aragones, na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at lumabas sa kilikili.

Isinugod si Aragones sa Amang Rodriguez Hospital subalit matapos ang ilang oras ay inilipat din siya sa Marikina Valley Hospital, at doon ay nasa stable condition na ngayon.

Sinabi ng pulisya na nanonood si Aragones ng telebisyon habang nakahiga sa sofa kasama ang kanyang ina sa kanilang bahay nang makarinig sila ng isang malakas na putok dakong 11:00 ng gabi noong Miyerkules.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

Makalipas ang ilang segundo, napansin ng ina ng biktima na may dugo sa damit ang paslit at nang makita niyang may tama ang kanyang anak sa kaliwang bahagi ng dibdib, nagsisigaw siya para humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Naglunsad na ng manhunt operation ang Marikina Police laban sa suspek na pinaniniwalaang nagpaputok ng baril sa Barangay Malanday. - Madelynne Dominguez