Ni Ellaine Dorothy S. Cal

Nananabik at puno ng pag-asa ang bawat puso ng mga Pilipino sa pagsalubong sa 2016. Sa kabila ng mga problema at kabiguan, naging palaban at patuloy na lumalaban ang bawat isa upang harapin ang panibagong yugto ng buhay sa bagong taon.

Narito ang ilan sa malalaking kaganapan na ikinatuwa at sumubok sa mga Pilipino noong 2015:

Pagbisita ni Pope Francis, Enero 15-19. Enero 15 nang dumating sa Pilipinas si Pope Francis mula sa papal visit sa Sri Lanka. Enero 17 naman siya nagmisa sa Leyte—sa kalagitnaan ng malakas na ulan—malapit sa Tacloban Airport, at nakasama pa sa tanghalian ang ilang sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’. Idinaos naman ang huli niyang misa sa Pilipinas sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

Sagupaan sa Mamasapano, Enero 25. Sinalakay ng puwersa ng Special Action Force ng Philippine National Police ang Pilipinas ang Mamasapano, Maguindanao upang dakpin ang isang teroristang Malaysian, pero nauwi ito sa engkuwentro at 44 sa SAF ang napatay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Mary Jane Veloso, Abril 28. Sa mga huling oras ay ipinagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane Veloso, isang OFW na nahulihan ng 2.6 kilo ng heroin ang bagahe sa Yojakarta, Indonesia galing sa Malaysia noong 2010.

Binigyan siya ng pagkakataong mapatunayan ang pagiging inosente niya sa kaso.

Pacquiao vs Mayweather, Mayo 3. Nabigo si People’s Champ Manny Pacquiao na ibigay ang dapat sana’y unang talo ni Floyd Mayweather Jr. sa tinaguriang “Fight of the Century” sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada. Natalo si Pacquiao via unanimous decision laban sa Amerikanong boksingero.

 Kentex fire, Mayo 13. Nasunog ang pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City at 73 ang namatay na karamihan ay empleyado ng Kentex Manufacturing Company.

INC protest, Agosto 28. Agosto 28 nang magprotesta mula sa Padre Faura sa Maynila ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC), na lumipat sa EDSA at nagdulot ng matinding trapiko. Binatikos ng sekta ang umano’y pakikialam ng gobyerno sa mga usaping kinahaharap ng mga pinuno nito.

CoC filing, Oktubre 12-16. Dumagsa ang mga naghain ng certificate of candidacy (CoC) sa Commission on Elections (Comelec) para kumandidato sa May 2016 national and local elections.

Bagyong ‘Lando’ at ‘Nona’. Oktubre 14 nang pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong ‘Lando’, na pumatay sa 58 katao sa Luzon, habang P11 bilyon ang kabuuang pinsala nito sa mga imprastruktura at ari-arian.

Disyembre 14 naman nanalasa ang bagyong ‘Nona’, at 24 ang nasawi sa Samar, Bicol at Southern Tagalog.

APEC Summit, Nobyembre 17-23. Idinaos sa bansa ang 23rd Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay, at kabilang sa mga dumalo sina US President Barack Obama, PM Dmitry Medvedev, Chinese Pres. Xi Jinping, Japanese PM Shinzo Abe, at maraming iba pa.

Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, Disyembre 21. Makalipas ang 42 taon, nabawi ng Pilipinas ang prestihiyosong titulo nang koronahan si Pia Alonzo Wurtzbach, 26, bilang 2015 Miss Universe sa tatlong oras na pageant na niyanig ng kontrobersiya dahil sa maling pagpapahayag ng event host sa nanalong contestant.