NASA 10 milyon na ang nagsilagda upang ipanawagan na proteksiyunan ang ating kalikasan. Ito ay ayon kay Gina Lopez, chairman ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya, Foundation Inc. Iniharap kamakailan ang mga lagdang nakalap bilang suporta sa Save Palawan Movement and the ALKFI program Bantay Kalikasan na “Yes to Agriculture and Ecotourism” campaign.

“Ang mga nagsilagdang ito ang mga taong sawang-sawa na sa patuloy na walang habas na pagwasak sa kalikasan na pinanggagalingan ng buhay at pinagmumulan ng ikabubuhay ng mga tao. Ito ang 10 milyong Pilipino na naghahanap ng mga lider na hindi natatakot na magsasagawa ng marahas na hakbang at kongkretong kilos para sa kalikasan lalo na ngayong nahaharap tayo sa panganib ng climate change,” pahayag ni Lopez.

Karamihan sa mga nagsilagda ay buhat sa mga paaralan at sektor ng mga magsasaka at mangingisda sa mga lugar na naapektuhan ng mga pagmimina.

Ang Pilipinas, ayon pa sa grupo, ang pinakamapanganib na bansa na dadanas ng climate change at maliligtas lamang ito kung pagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang ecotourism at agriculture sapagkat ang bansa natin ay mayaman sa natural resources at biodiversity.

Ngunit malamang na mawalan lamang ng saysay ang pagsisikap na ito ng grupo ni Lopez sapagkat ang mga lider ng bansa ay tila walang pakialam at hindi binibigyan ng pansin ang pagbabanta ng kalikasan na hatid ng climate change.

Tila walang sinseridad ang gobyerno na lunasan ito at sa halip ay lalo pang pinalalala.

Matindi ang epekto ng tinatawag na “dirty energy” sa kalikasan ngunit balewala lamang ito sa kasalukuyang pamahalaan.

Kamakailan ay dumalo si Pangulong Aquino sa pulong ng 200 leader ng mga bansa sa Paris para talakayin ang lumalalang climate change na dahilan ng global warming. Ano kaya ang maibabahagi ni PNoy sa paglutas ng pandaigdigang problema gayong sa bansang pinamumunuan niya ay wala siyang ginagawang hakbang?

Ang pagpupulong ba ng 200 leader ng mga bansa sa Paris ay isa lamang “Kalyeserye?” Itanong natin kay PNoy.

(ROD SALANDANAN)