Hinikayat ng isang advocate ng kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang Department of Labor and Employment (DoLE) na pag-aralan ang epekto ng patuloy na pagbagsak ng presyo ng langis sa sitwasyon ng mga OFW sa Saudi Arabia.

Sinabi ni Susan Ople, ng Blas F. Ople Policy Center, na nakatatanggap siya ng mga ulat na naaantala o hindi na nababayaran ng suweldo ang mga Pinoy sa Saudi Arabia dahil sa pagbaba ng presyo ng langis na pangunahing produkto ng naturang bansa.

Kabilang sa mga kumpanya na inirereklamo ay ang Saudi Oger, MMG, at Saudi Bin Laden Group.

Ayon pa kay Ople, na kandidato sa pagkasenador sa 2016, ikinokonsidera na rin ng dalawang kumpanya na nakabase sa Saudi ang pagtatanggal ng mahigit 15,000 empleyado sa 2016.

National

Hiling ni Quiboloy na ilipat sa kustodiya ng AFP, ibinasura ng korte

Kabilang sa posibleng mawalan ng trabaho sa Saudi mga skilled worker at professional, sa halip na mga kasambahay na karaniwang una sa mga tinatanggal kapag bagsak ang ekonomiya ng isang bansa.

“Once the Saudi economy sneezes, hundreds of thousands of Filipino households get the chills. It’s best to be prepared in case the price of oil declines even more, given its dire effects on our OFWs in the Middle East particularly Saudi Arabia,” pahayag ni Ople.

Aniya, malaki ang epekto ng pagbagsak ng presyo ng petrolyo, hindi lamang sa ekonomiya ng Saudi Arabia kundi maging sa ibang bansa sa Gitnang Silangan na ang pangunahing produkto ay langis.

“Uncertainty is in the air because of the unavoidable cutbacks and austerity measures that the Saudi government must put in place while coping with a growing deficit and an economic downturn,” ayon kay Ople.

Sa kanyang panukala, sinabi ng opisyal ng Ople Center na dapat na pag-aralan din ng gobyerno ng Pilipinas kung kayang panatiliin ng mga kumpanya sa Saudi ang hanay ng mga manggagawa na hindi nilalabag ang probisyon sa pasahod at iba pang benepisyo.

Posible ring pagbayarin ng immigration penalty ang mga OFW dahil sa kabiguang maglabas ng residency permit ng kanilang mga employer na gipit din dahil sa paghina ng kanilang ekonomiya, pahirapan sa pagkuha ng exit permit at end-of-service benefit, at kakulangan sa pera na pangtustos sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan.

(BEN ROSARIO)