Dirk Nowitzki

Nilampasan ni Dallas Mavericks star Dirk Nowitzki ang dating Los Angeles Lakers center na si Shaquille O’Neal para sa ikaanim na puwesto sa NBA all-time scoring list taglay ang 22-puntos upang biguin ang Brooklyn, sa iskor na 119-118, sa overtime.

Ang 37-anyos na German ay naglaan ng isang jumper sa harap ni Andrea Bargnani, sa natitirang 2:09 segundo sa ikalawang yugto upang lampasan ang kinakailangang 10-puntos para malaktawan si O’Neal na may 28,596 na puntos.

“He’s probably the most dominant big man to ever play this game so it’s kind of surreal that I’m up there amongst these all-time greats,” sabi ni Nowitzki. “For a kid leaving Germany over 18 years ago who didn’t know what to expect, it has been an amazing ride.”

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Si Nowitzki, na nilampasan si Moses Malone sa ikapitong puwesto sa listahan, ay inaasahang mahahamon ang record ni Wilt Chamberlain sa ikalimang puwesto na may kabuuang 31,419 na puntos kung ito ay maglalaro muli sa NBA sa susunod na season.

Nagtala naman si JJ Barea ng 32 puntos at game-high 11 assist upang pamunuan ang Dallas habang nanguna si Thaddeus Young para sa Nets na may 29 at game-high 10 rebounds.

Samantala, umiskor si LeBron James ng 24 na puntos at humakot ng 9 na rebound at 5 assist habang si Kevin Love ay may 23 puntos at 13 rebound upang itulak ang Cleveland Cavaliers sa panalo kontra sa bumibisitang New York Knicks, 91-84.

Nabitawan ng Cavaliers ang 11 puntos na abante bago tinapos ang laban sa 11-2 run upang selyuhan ang panalo.

Nagtala si James ng 9 na puntos sa ikaapat na yugto kung saan nag-aaverage ito bilang NBA-best 8.7 puntos sa ikaapat na yugto ngayong taon. Ikalawa sina Stephen Curry at Anthony Davis sa 7.7 kada laro sa natitirang 12 minuto sa regulation time.

Nagtala naman si Kelly Olynyk ng 20 puntos at si Jae Crowder ay nagdagdag ng 19 na puntos at 12 rebound para sa Boston na iniuwi ang 102-89 panalo laban sa Charlotte Hornets.

Itinulak pa ng San Antonio ang winning streak nito sa pitong laro sa 108-83, panalo kontra Minnesota.

Umiskor si Kawhi Leonard ng 19 na puntos upang pamunuan ang anim na kakampi na may double-figure para sa Spurs, na nakakuha ng 14 na puntos mula sa French guard na si Tony Parker at 13 sa reserve na si David West.- Angie Oredo