Isang negosyanteng Filipino-Chinese ang nasawi habang sugatan naman ang misis nito, na siyam na buwang buntis, at isang security guard nang pagbabarilin sila ng hindi nakilalang suspek sa Sta.Cruz, Maynila nitong Linggo.

Kinilala ang nasawi na si Alem Chua, 30, may asawa at residente ng 5th Street, New Manila, Quezon City.

Dinala naman sa St. Luke’s Hospital ang misis nitong si Ou Yang Mei Qui, 29, dahil sa tinamong tama ng bala sa balikat.

Sugatan din ang security guard ng Florida Bus Terminal na si Alejandro Soperlaes, 41, nang tamaan ng ligaw na bala habang natutulog sa guard house.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 3:00 hapon nang mangyari ang insidente sa Dimasalang kanto ng Aragon St. sa Sta. Cruz, Maynila.

Binabagtas umano ng mag-asawa, sakay ng BMW X3, ang southbound ng nasabing lugar nang dikitan sila ng suspek na nakasuot ng maong pants, itim na jacket at puting bull cap habang nakasakay sa isang van.

Bigla na lang pinaputukan ng suspek si Chua, na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at kaagad na namatay.

Tinamaan naman ng ligaw na bala ang misis nito at ang guwardiya.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa Aragon Street. (Mary Ann Santiago)