Sinimulan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pag-iinspeksiyon sa iba’t ibang pagawaan at tindahan ng mga paputok sa Bocaue, Bulacan, ang itinuturing na pinakamalaking pinagkukunan ng mga naturang produkto sa bansa tuwing Pasko at Bagong Taon.

Ang pag-iinspeksiyon ay pinangunahan nina BFP Chief Director Ariel A. Barayuga, Regional Director Chief Supt. Aloveel Ferrer, at iba pang opisyal ng BFP Region 3 (Central Luzon) kaugnay ng pagpapatupad ng “Oplan Paalala 2015: Iwas Sunog, Iwas Paputok sa Pasko at Bagong Taon.”

Puntirya ng grupo na matiyak na ang paggawa at pagtitinda ng mga paputok at pailaw ay alinsunod sa Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices.”

Kabilang sa mga pinagbabawal na paputok ang watusi, piccolo, mother rocket, Judas belt, Big Bawang, Goodbye Philippines, Bin Laden, Atomic Bomb, Plapla, Five Star, at Giant Bomb.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang 30,000.

“We appeal to the public not to use any firecrackers or fireworks. For their own safety they can use an alternative ways to celebrate Christmas and New Year, such as horns or cooking pots,” pahayag ni Barayuga.

Sinuportahan ng BFP ang panawagan ng Department of Health (DoH) na iwasan ang paggamit ng paputok sa selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon dahil hindi lamang ito mapanganib sa mamamayan, kundi may negatibong epekto rin ito sa kalikasan.

Simula Disyembre 31, 2014 hanggang Enero 1, 2015, nagtala ang BFP ng 18 insidente ng sunog sa bansa na pinaniniwalaang nag-ugat sa paputok o pailaw.

Umabot din sa P8.6 milyon ang nasunog na ari-arian dahil sa firecrackers at pyrotechnics. (Czarina Nicole Ong)