INAMIN ni Janine Gutierrez na nanibago siya nang iba na ang katambal niya, sina Mark Herras at Aljur Abrenica -- sa morning serye ng GMA-7 na Dangwa.
“Kasi po for two years, simula nang pumasok ako sa GMA, kami lang lagi ni Elmo (Magalona) ang magkasama sa shows at sa events,” kuwento ni Janine sa pocket interview na bigay ng GMA Artist Center para sa mga talents nilang may entry sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF).
Dapat ay kasama niya si Alden Richards na entry naman ang My Bebe Love, pero wala silang makuhang free schedule sa actor na busy sa mga show at taping ng Eat Bulaga at Sunday Pinasaya for the holiday seasons.
First movie ni Janine at first Metro Manila Film Festival (MMFF) entry din niya ang Buy Now, Die Later ng Quantum Films Productions. Excited siya dahil for the first time din, makakasama niya ang mommy niyang si Lotlot de Leon, although hindi sila nagkasama sa eksena dahil sa story, kapag gumamit ng potion si Lotlot, bumabata siya at nagiging si Janine.
Kasama rin niya sa movie ang Kapamilya stars na sina Vhong Navarro, Alex Gonzaga at si John Lapus na nakasama na rin niya sa ibang shows ng GMA noon.
Excited din si Janine na first time niyang sasakay sa float ng kanilang movie sa parade of stars sa December 23.
Since magtatapos na ang 2015, natanong na si Janine kung ano ang achievements na nagawa niya sa taong ito.
“Siguro po, una iyong primetime romantic-comedy series namin ni Elmo na More Than Words,” sagot ni Janine. “For the first time, nakasama ko sa isang drama story si Mama Nora (Aunor) at mommy ko dito rin sa GMA. Natupad ko rin ang wish ko na makagawa ng movie, at hindi lamang isa kundi tatlo pa ang nagawa ko.
“Ang totoo po, una kong ginawa ang Lila with Enchong Dee, kaya lang itong Buy Now, Die Later ang unang ipalabas sa MMFF. Ang Lila ay ipalalabas sa Sinag Maynila Film Festival sa March 2016 at ang Dagsin with Benjamin Alves sa Cinemalaya sa July, 2016. Then, binigyan ako ng GMA-7 ng morning serye, ang Dangwa na katambal ko nga sina Mark at Aljur.”
Nagsimula mapanood ang Dangwa noong October 26. 2015.”
Ayaw sanang aminin ni Janine na nag-audition na siya sa remake ng epic serye ng GMA-7 na Encantadia pero pinayagan na rin siyang i-confirm iyon.
“Nakakanerbiyos po talaga ang audition, nakasabay ko ang ibang GMA artists, pero hindi ko pa alam kung ano ang magiging character ko. Magsisimula po raw kaming mag-taping ng Encantadia sa February 2016, kaya siguro po hanggang February na rin lang ang Dangwa, although sa July pa naman ang airing ng Encantadia.”
Hindi ba niya nami-miss ang boyfriend na si Elmo na nasa ABS-CBN na ngayon?
“Nagkikita pa rin po kami ni Mo, kahit po very busy na rin siya sa trabaho niya sa kabila dahil kasama siya sa ASAP at magsisimula na siyang mag-taping ng new teleserye nila ni Janella Salvador sa January.”
Natawa si Janine nang mag magkomento na talagang nagkikita pa nga sila ni Elmo, dahil alam niya ang schedule nito.
Pareho raw silang supportive sa works nila. (NORA CALDERON)