ISINISIMBOLO ng Simbang Gabi, ang nobena ng mga misa na nagsisimula sa Disyembre 16 at nagtatapos ng Disyembre 24, ang opisyal na pagsisimula ng selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas. Gumigising nang madaling araw ang mga Pilipinong Katoliko upang dumalo sa mga misa ng debosyon, mag-alay ng pasasalamat bilang pagsamba, o manalangin para sa isang kahilingan. Pinaniniwalaang tinutugunan ang anumang ipinagdarasal at nakatatanggap ng mga espesyal na biyaya ang mga nakakukumpleto ng siyam na araw na misa.

Ipinagdiriwang nang buong taimtim na ang pari ay nakasuot ng puting pampatong sa abito at inaawit ang “Gloria in Excelsis Deo”, ang Simbang Gabi ay tradisyunal na idinaraos tuwing 4:00 ng umaga, ngunit marami nang simbahan ang nagdaraos ng mga anticipated mass sa gabi, sa ganap na 8:00 ng gabi, para sa mga may magkakaibang oras ng trabaho.

Maliwanag ang mga simbahan, at napapalamutian ng makukulay na parol, sariwang bulaklak, at mga simbolo ng Pasko, gaya ng Belen, Christmas Tree, mga anghel at mga bituin.

Sa maraming lalawigan, isang banda ng musiko na tumutugtog ng mga awiting Pamasko ang naglilibot sa mga lungsod at bayan isang oras bago ang Simbang Gabi. Pagkatapos ng misa, magsasalu-salo ang mga nagsimba sa iba’t iba at masasarap na kakanin –bibingka, puto bumbong, suman sa ibos, palitaw, at mainit na pandesal—na sinasabayan ng inom ng mainit na tsokolate, kape, tsaa, o salabat na pawang mabibili sa labas ng simbahan.

Isinisimbolo rin ng Simbang Gabi ang debosyon ng mga mananampalataya sa Birheng Maria, na siyam na araw nilang sinasamahan sa paghihintay sa pagsilang ng sanggol na si Kristo. Itinuturing ito ng mga Katolikong Pilipino bilang mainam na pagkukunan ng kasiglahang espirituwal. Sa ilang bansa na maraming komunidad ng mga Pilipino, idinaraos din ang Simbang Gabi, karaniwan ay sa mga embahada o konsulado, upang ipaalala sa mga Pilipino ang mga pinahahalagahang tradisyon sa Pilipinas. Sa loob ng maraming taon, pinangalagaan ang selebrasyong ito, pinanatili at pinasigla ng pananampalataya.

Taong 1565 nang idaos ang unang Nativity feast sa panahon ng mananakop na Espanyol na si Miguel Lopez de Legazpi.

Noong 1587, hiniling ni Fray Diego de Soria, ng Convent of San Agustin Acolman sa Mexico, ang pahintulot ng Papa para magdaos ng mga misang Pamasko sa madaling araw para sa mga magsasakang nagsisipagtrabaho sa mga bukirin bago pumutok ang araw. Kumakalembang ang mga kampana ng simbahan ng 3:00 ng umaga upang ihanda ang mga tao sa misa ng 4:00 ng umaga, na tinatawag na “misa de gallo”.

Noong ika-16 na siglo, ipinag-utos ni Pope Sixtus V na ang mga misa ng madaling araw sa Pilipinas ay idaos sa Pilipinas tuwing Disyembre 16-24, para sa mga magsasakang kailangang dumalo sa misa bago magtungo sa kani-kanilang sakahan. Sa First Plenary Council ng Pilipinas noong 1953 inihain ang petisyon sa Rome para gawing pormal ang Simbang Gabi, na kalaunan ay naging mahalagang bahagi ng kultura at tradisyong Pilipino bilang isang pamana ng pananampalataya, bukod pa sa pananalangin ng Angelus ng 6:00 ng gabi, pagdarasal ng rosaryo, pagmamano sa matatanda, at pagbabasbas sa mga bata sa pamamagitan ng tanda ng krus.