NAKIPAGPULONG ang mga driver ng jeepney sa Metro Manila sa mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa unang bahagi ng linggong ito tungkol sa napaulat na plano na i-phase out na ang mga lumang jeepney. Nagbanta ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) na maglulunsad ng tigil-pasada upang iprotesta ang napaulat na plano na ipagbawal na ang pamamasada ng mga jeep na 15 anyos pataas.
Sinabi ng LTFRB sa mga jeepney driver na ang pag-phase out sa mga lumang jeep ay rekomendasyon ng Department of Transportation and Communication. Wala pang aktuwal na plano na ipatutupad.
Ang mga jeepney ay isang throwback sa Liberation Period noong ang mga military jeepney ng Amerika ay ginawang pampasaherong sasakyan, na ang orihinal ay masasakyan lang ng walong katao, hanggang sa paluwagin ito sa mga sumunod na taon at ngayon ay kaya nang magsakay ng 20 katao o higit pa. Una nang pinlano ang pagpapatigil sa pamamasada ng mga ito at papalitan ng mga bus, upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa siyudad.
Gayunman, nagpalit-palit na ang administrasyon, ngunit hindi kailanman ipinagbawal ang pamamasada ng mga jeepney dahil nagkakaloob ito ng pagkakakitaan, kahit pa alinsunod sa tinatawag na sistema ng “boundary”, na binabayaran ng may-ari ng jeep ng regular na halaga ang tsuper, at ang sosobra sa boundary ang iuuwi ng driver sa pamilya nito. Ito ang nagbunsod ng agawan sa mga pasahero at isa sa mga sinisising dahilan ng matinding pagbubuhul-buhol ng trapiko.
Ngunit ang anumang plano na i-phase out ang mga jeepney—gaano man ito makabubuti para sa modernong pangangasiwa sa trapiko—ay hindi dapat na talikurang basta ang pagiging makatao. Ano na ang mangyayari sa libu-libong tsuper ng jeepney at kani-kanilang pamilya? Gaya ng tanong ni ACTO National President Efren de Luna, “Gusto ba ng gobyerno na ipagdamot sa amin ang tanging ikinabubuhay ng aming mga pamilya?”
Sa mga siyudad sa iba’t ibang panig ng mundo sa ngayon, ipinatutupad na ang modernong sistema ng transportasyon—ang mga bus ay may itinakdang regular na ruta, nariyan ang mga tren, mga taxi—bukod pa sa mga pribadong sasakyan.
Darating ang araw na kakailanganin nang maglaho sa lansangan ang ating makukulay na jeepney. Ngunit ang anumang balak na magsusulong nito, ay dapat na may plano rin para sa libu-libong tsuper na mawawalan ng pagkakakitaan.
Patuloy na nagdurusa ang Pilipinas sa matinding problema nito sa kahirapan, partikular dahil walang sapat na trabaho para sa mamamayan. Milyun-milyon sa kanila ang kinakailangan pang magpunta sa ibang bansa upang maghanap ng oportunidad sa trabaho na wala rito. Hanggang hindi naisusulong ng gobyerno ang paglikha ng mas maraming trabaho, huwag na nating palubhain ang problema sa kakapusan ng pagkakakitaan sa pinaplanong pagpapatigil sa pamamasada ng mga jeepney.