Binuweltahan ni Vice President Jejomar Binay si Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas matapos sabihin ng huli na “eksperto sa graft and corruption” ang dating alkalde.

Ayon kay Binay, mas makabubuti kay Roxas na magpaliwanag sa kanyang kapalpakan bilang dating miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan sa halip na puntiryahin ang pangalawang pangulo.

“Sagutin muna ang sinasabi naming pagkukulang niya. Ibinabaling niya sa pagbibintang,” pahayag ni Binay sa mga mamamahayag sa Galing Pook Forum sa Ateneo de Manila University (ADMU).

Nitong mga nakaraang linggo, binatikos ng kampo ni Binay ang umano’y kapalpakan ni Roxas sa 16 na buwang panunungkulan nito bilang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DoTC), partikular sa maya’t mayang aberya ng Metro Rail Transit (MRT).

Internasyonal

ALAMIN: Saan puwedeng humingi ng tulong ang OFWs sa Iran, Israel?

Bukod dito, sinisi rin ng United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer si Roxas sa lumalalang krimen sa bansa bunsod ng umano’y hindi epektibo nitong pamumuno sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa loob ng tatlong taon bago nagbitiw sa puwesto upang sumabak sa presidential elections.

“The Vice President was speaking as a lawyer. The difference between graft and corruption is something clear to lawyers and those who understand and respect the law,” ayon naman kay Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ni Binay sa usaping pulitikal. (Ellson A. Quismorio)