Arestado ang isang kilabot na holdaper sa nagpapatrolyang pulis matapos mambiktima ng mga pasahero ng isang jeepney sa Navotas City, kamakalawa ng umaga.

Hindi na nakapalag si Neil Tady, 29, ng Barangay North Bay Boulevard, Navotas City, nang posasan siya nina PO1s Henry Ferma at Jhonamar Tagawas matapos umani siyang mangholdap sa isang pampasaherong jeepney.

Ayon sa mga biktimang sina Mary Grace Abraham, 22; at Jose Parungao 29, kapwa call center agent, sakay sila sa isang pampasaherong jeep at tinatahak ang C-3 nang sumakay ang suspek at nagpanggap na pasahero, dakong 9:30 ng umaga nitong Biyernes.

Matapos ang ilang minute, bumunot si Tady ng patalim sa bulsa at nagdeklara ng holdap.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Itinutok niya ang kutsilyo sa amin at inagaw niya ang mga bag namin. Nang tumanggi ako, idiniin niya ang kutsilyo sa katawan ko,” giit ni Abraham.

Nang huminto ang jeepney sa isang traffic light, nataranta si Tady nang makita siya nina Ferma at Tagawas na tinututukan ang dalawang biktima, kaya tumalon siya mula sa jeep para tumakas.

Nagpaputok ng warning shot ang dalawang pulis, kaya sumuko si Tady. (Jel Santos)