Pinatunayan muli nina Ayumi Kusano at Akiko Hasegawa ng Japan na hindi tsamba ang panalo nila sa eliminasyon kontra Sweden matapos nitong ulitin sa paghugot ng 21-19 at 21-12 panalo sa finals upang tanghaling unang kampeon ng Spike for Peace International beach volley tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.

Tanging naging delikado ang panimula nina Kusano at Hasegawa bago nagawang itala ang mahusay na paglalaro sa ikalawang set upang talunin ang mas matatangkad na kalaban para sa korona.

Naghabol agad ang pareha nina Anne-Lie Rininsland at Karin Lundqvist ng Sweden sa second set, 5-0, bago muling nakalasap ng mga pagkakamali na sinamantala ng mga Hapones para itala 15-1 bentahe.

Mula doon hindi na nila hinayaan na makahabol ang kalaban para maangkin ang tagumpay.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tinapos ni Hasegawa, na pangunahing indoor player sa Japan, ang labanan sa matinding spike.

“We’re very happy. We just tried to avoid the tall player,” sabi ni Hasegawa, na agad niyakap ang kakamping si Kusano matapos ang huling puntos sa torneo na inorganisa ng Philippine Sports Commission.

Iniuwi ng Japanese team, na nagwagi sa lahat ng anim nitong laban, ang the top prize na $8,000. Napunta kina Rininsland at Lundqvist na nagkasya sa runner-up honor ang premyong $5,000.

Umiskor naman ang Indonesia ng 21-16, 19-21 at 15-8 panalo kontra Brazil para sa ikatlong puwesto. (Angie Oredo)