Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na may hurisdiksyon silang humawak ng disqualification cases, gaya ng kaso ni presidential aspirant at Senator Grace Poe.

Ito ang reaksyon ni Comelec Chairman Andres Bautista matapos magpahayag si dating Comelec chairman Sixto Brillantes Jr., na tanging ang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang may hurisdiksyon sa disqualification cases.

Ayon kay Bautista, maaari lamang makialam sa disqualification case ang PET kung tapos na ang halalan o matapos maiproklama ang isang nanalong kandidato.

Diin niya, kung bago idaos ang halalan, ang tanging may kapangyarihan na duminig sa isang disqualification case ay ang Comelec, alinsunod sa Saligang Batas.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

“Sa aking palagay, mawalang-galang na kay Former Chair Brillantes, sa tingin ko mali ‘yon, ang hurisdikasyon lang ng PET ay pumapasok lang after ng halalan at after ng proclamation ng kandidato na nanalo, iyan ang nakasaad sa Saligang Batas,” pahayag ni Bautista sa isang panayam sa radyo.

Dagdag pa niya, kung mayroon mang tutol sa naging pasya ng Comelec, maaari naman nilang kwestyunin o iakyat sa Mataas na Hukuman ang inilalabas na hatol ng poll body. (MARY ANN SANTIAGO)