Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na isasama pa rin sa balota ang pangalan ng presidential aspirant na si Senator Grace Poe hanggang walang pinal na desisyon sa disqualification case na kinakaharap nito.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, sakaling lumampas sa internal deadline nila at hindi pa nareresolba ang kaso ni Poe ay mas magiging praktikal kung isasama pa rin ang pangalan ni Poe sa balota.

Ito, aniya, ang ginagawa ng Comelec kung may mga kandidatong nahaharap sa pending disqualification case.

Mas madali kasi aniyang balewalain na lang ang boto ng kandidatong kinukuwestiyon ang kandidatura kung tuluyan itong madiskuwalipika, kaysa aalisin ang pangalan nito sa balota ngunit kalaunan ay madesisyunang kuwalipikado pala na tumakbo sa eleksiyon.

National

‘I have no idea!’ Bato, wala raw alam sa ‘reward system’ para sa drug war

“The tendency is that if there is a case that has not been resolved with finality, the tendency will be to put the name of the candidate on the list. It doesn’t matter who,” ani Jimenez.

“If a person has a pending motion with anybody that might have an effect on the candidacy, and they’re put on the ballot, it’s easier to ignore the votes cast for that person, than to take them out of the ballot and then later on find out that they should’ve been on the ballot in the first place,” paliwanag pa ng Comelec official.

Inihalimbawa ni Jimenez ang kaso ng dating presidential candidate na si Vetellano Acosta na isinama ang pangalan sa balota ngunit kalaunan ay nadiskuwalipika rin ng mataas na hukuman.

Matatandaang kinansela nitong Martes ng Comelec Second Division ang certificate of candidacy (CoC) ni Poe dahil sa kakulangan umano nito sa residency requirement.

Binigyan rin nito ang kampo ni Poe ng hanggang Lunes, Disyembre 7, upang iapela ang kaso sa Comelec en banc.

Sakali namang pagtibayin ng Comelec en banc ang desisyon ng Second Division nito, maaari pa ring dumulog ang kampo ni Poe sa Korte Suprema na may final say sa kaso. (MARY ANN SANTIAGO)