jana copy

LUNES hanggang Sabado ang taping ni Sylvia Sanchez sa Ningning dahil walang bangko ang teleserye, kaya kahit masama ang pakiramdam ay go siya. Bawal daw magreklamo.

“Bawal magreklamo kasi trabaho ito at nagpapasalamat ako kasi may work at may panggastos sa Pasko at Bagong Taon,” sabi ni Ibyang nang makausap namin sa cellphone.

Bilib na bilib siya kay Jana Agoncillo o Ningning na hindi rin daw maringgan na napapagod sa araw-araw nilang taping.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

“Nagtataka nga kami kung saan kumukuha ng lakas si Ningning, walang kapaguran, feeling niya naglalaro lang siya,” kuwento ni Sylvia.

Pagkatapos daw mag-take ni Jana ay inilalabas nito ang mga laruang sandok at stove para maglaro ng lutu-lutuan.

“Nakasuksok sa short ni Ningning ‘yung mga laruang sandok at siyansi niya. Hindi mo napansin, laging nakabestida si Ningning, naka-short ‘yun at doon niya iniipit,” pambubuking ng lola-lolahan ni Jana sa mga nangyayari sa set.

Parang security blanket daw ni Jana ang mga nakaipit na laruan sa shorts.

Samantala, tuwang-tuwa si Ibyang na nakapag-Maalaala Mo Na Kaya ang anak niyang si Jana Atayde (ipinalabas nitong nakaraang Sabado).

Pangarap din niyang makasama ang anak sa MMK pero hindi pa raw siguro mangyayari ngayon dahil pareho silang busy sa Ningning.

Labis din ang pasasalamat ni Ibyang sa mga papuri sa pagganap ni Arjo Atayde bilang kontrabida ni Coco Martin sa Ang Probinsiyano. Ang galing-galing daw, mata pa lang umaarte na.

“Ang daming tumatawag sa akin kapag oras na ng Probinsiyano. Tinanong ako kung napapanood ko ‘yung eksena nina Coco at Arjo nu’ng magkakaharap sila kasi ang galing daw ng sagutan nilang dalawa. Honestly hindi ko napapanood kasi may taping ako kaya ‘pinapa-tape ko na lang at saka ko papanoorin lahat ng isang upuan lang.

“Proud ako sa anak ko, kasi lahat naman ng bilin namin ng daddy niya, sinusunod niya, kaya pasalamat talaga ako sa mga nagtiwala kay Arjo, ang Dreamscape Entertainment,” masayang tinig ng aktres sa kabilang linya.

Hoping si Ibyang na muli niyang makatrabaho si Arjo sa MMK.

“Dream ko talagang mag-MMK kaming mag-ina noon pa. Nakatrabaho ko na siya sa Pure Love, sandali lang ‘yun.”

Bakit hindi pa niya isama si Ria?

“Maaga pa masyado si Ria, kailangan muna niyang mahasa nang husto, steady lang muna siya,” sagot ni Ibyang.

(Reggee Bonoan)