Sinabi ng standard bearer ng administration na si Mar Roxas na hindi siya nababahala sa posibilidad na magsilipat ang ilang leader ng Liberal Party, partikular sa Mindanao, sa kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na naghain na ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo.
Sa katunayan, aniya, wala silang plano na magsagawa ng loyalty check, sinabing inirerespeto niya ang desisyon sa kung sino man ang gustong suportahan ng mga miyembro ng LP sa eleksiyon sa 2016.
“Ang lahat ng tao ay may kalayaang pumili. So, okay lang,” sinabi ni Roxas sa mga mamamahayag nitong Lunes.
“Hindi naman ito personality cult. ‘Di naman ito tungkol kay Mar Roxas o kay Leni Robredo. Kumpiyansa ako na ang supporters ng Daang Matuwid, ang mga nagtitiwala sa ating prinsipyo na kayo ang boss, ang prinsipyo na kung walang corrupt, walang mahirap; prinsipyo ng inclusive growth, ang consultative leadership ay patuloy na magiging bahagi ng Daang Matuwid Movement,” ani Roxas. (Aaron Recuenco)