Naging madugo ang sana’y masayang inuman ng dalawang magkabarkada matapos silang kursunadahin at pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng apat na suspek sa Barangay Catmon, Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Senior Supt. Severino Abad Jr., hepe ng Malabon City Police, ang dalawang napatay na sina Heber Florita, 42, may-ari ng isang junk shop; at Jerry Abellano, 45, delivery boy. Ang dalawa ay kapwa residente ng Barangay Catmon.

Sugatan din sa insidente si Jerome Rivera, 23, anak sa unang asawa ni Abellano.

Sinabi ni PO3 Rommel Habig, officer-on-case, na nag-iinuman ang tatlong biktima sa bahay ni Abellano nang utusan ng huli si Rivera na bumili ng sigarilyo sa kalapit na tindahan pasado hatinggabi kahapon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Habang pabalik na ng bahay, hinarang ng apat na lalaki—sina Marcos Gumapas, 41; Reynold Labayo, 23; Salvador Salve, 23, at isang 17-anyos na lalaki—si Rivera at inatake ng patalim at dos-por-dos.

Bagamat sugatan, nakuha pa ni Rivera na makatakbo sa kanilang bahay upang humingi ng tulong kina Abellano at Florita subalit pinagsasaksak din ang mga ito ng tatlo sa mga suspek.

Dead on the spot si Florita sa isang maputik na lugar habang si Abellano ay nalagutan ng hininga sa Pagamutang Bayan ng Malabon.

Hinala ng pulisya na may matagal nang alitan ang dalawang grupo. (Ed Mahilum)