XB Gensan copy new

ISA na namang karangalan ang nasungkit ng XB Gensan. Napanalunan nila ang grand prize sa katatapos na Dance2Dance: The World Streetdance Showcase Competition na idinaos sa Zurich, Switzerland last November 15.

Kinatawan ng hip hop dance group, na regular back-up dancers sa It’s Showtime, ang Pilipinas sa nasabing international competition. Napili ang grupo bilang representative ng bansa mula sa 100 groups na nag-audition para sa nasabing international dance event.

Tinalo ng XB Gensan sa Dance2Dance: The World Streetdance Showcase Competition ang sampung nakalabang dance groups mula sa iba’t ibang bansa kabilang ang Russia at United States na pumangalawa at pumangatlo ayon sa pagkakasunod.

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

Nagsimulang makilala ang XB GenSan nang manalo sa first edition ng talent-dance contest ng It’s Showtime. Binubuo ng dancers mula sa General Santos City ang lahat ng miyembro at simula noon hanggang sa ikaanim na anibersaryo ng It’s Showtime, naging mainstay sila ng noontime show.

Sa kanilang Facebook page, todo-todo ang pasasalamat ng grupo sa kanilang fans na sumuporta sa kanilang panibagong tagumpay.

“Magandang Umaga Pilipinas!!! Proud to be Pilipino!! Proud Gerenals!! Salamat sa lahat ng mga nag-pray at walang sawang sumuporta! We all love you guys! Salamat sa Showtime Family at sa mga nagmamahal sa amin lalo na sa aming pamilya. To God be the glory.”

Masayang-masaya ang XB Gensan at tiyak na sa kanilang pagbabalik this week, ipapakita nila ang kanilang winning dance moves na napapanood na rin sa YouTube.

Last Monday, ipinasilip sa It’s Showtime ang kanilang bagong achievement at tiyak na isang magarbong welcome ang sasalubong sa kanilang pagdating.  

Katwiran ni Vhong Navarro, “Hindi lang ‘yung pangalan ng GenSan ang baon nila, hindi lang It’s Showtime ang baon nila, kung hindi buong Pilipinas ang dala-dala nila paglaban nila sa ibang bansa kaya nakaka-proud naman talaga.”

(ADOR SALUTA)