ANG Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) ay itinatag noong 1989 na may 12 orihinal na miyembro at ang mga pangulo at prime minister ng APEC ay nagsimulang magpulong noong 1993. Simula noon, lumibot na ang mga pulong ng APEC sa 21 kasaping ekonomiya—hindi estado. At bagamat hindi natutukoy ang taunang pulong sa pagkakaroon ng malalaking desisyon, ang pagsasama-sama ng mga leader ng mundo, gaya ng United States, Russia, China, at Japan, ay isang oportunidad upang pag-usapan ang mga hindi pagkakasundo, linawin ang mga usapin, at pag-ibayuhin ang mga personal na ugnayan na makaaapekto nang malaki sa pagbubuo ng mga polisiya ng bawat bansa at mga pagdedesisyon, hindi lang tungkol sa mga usaping pang-ekonomiya.
Dahil ito kaya ang Pilipinas ang magiging punong abala sa punong ng mga APEC leader ngayong taon, sa Nobyembre 18-19, na may temang “Building Inclusive Economies. Building a Better World.” Sa nakalipas na mga buwan, nagpulong ang mga opisyal ng ministerial rank ng mga kasapi ng APEC sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang First Senior Officials meeting ay idinaos sa Clark at Subic noong Enero, Ang Second ay sa Boracay noong Mayo, at ang Third ay idinaos sa Cebu noong Agosto. Nagpulong ang mga finance at trade minister, mga opisyal ng small and medium enterprise, disaster management, at food security sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa paghaharap-harap ng mga pangulo at prime minister ng APEC sa Miyerkules sa susunod na linggo, magsasama-sama sila para sa tradisyunal na “family photo” at bawat isa sa kanila ay magsusuot ng Barong Tagalog. Ito ay gawa sa hibla ng pinya na may tradisyunal na burda, at ginawa nang manu-mano. Gayunman, ang bawat isang Barong, ay magkakaroon ng pambihirang disenyo para sa bawat leader, ngunit siyempre pa, may tatak Pilipino—halimbawa, may mga hugis ng arkitekturang Thai ang burda sa Barong ng Thai Prime Minister.
Iba’t ibang aspeto rin ng kulturang Pilipino ang mamamalas sa buong komperensiya—mga konsiyerto na nagtatampok sa sari-saring musika, mula sa hip-hop hanggang sa chamber music, mga makasaysayang paglalakbay, espesyal din ang disenyo ng upuan ng mga APEC leader na gawa sa lokal na organic materials, sa gala dinner. Ang mga panauhin ay “makararanas ng mabuting pakikitungo ng mga Pilipino”, ayon sa Malacañang.
Ang 21 miyembrong ekonomiya ng APEC ang bumubuo sa 40 porsiyento ng populasyon ng mundo, 54 na porsiyento ng pandaigdigang Gross Development Product (GDP), at 47 porsiyento ng pandaigdigang kalakalan. Gayunman, kapag nagharap-harap ang mga APEC leader dito sa susunod na linggo ay hindi nila reresolbahin ang problema sa ekonomiya, aayusin ang hindi pagkakaunawaang pulitikal, o pagdedesisyunan ang kapayapaan sa mundo.
Magsasama-sama sila bilang malapit na magkakaibigan na pinagkaisa ng geographical proximity. Maaaring hindi magkakapareho ang kani-kanilang interes sa iba’t ibang panig ng mundo, ngunit sa nakalipas na mga taon ay ipinakita nilang maaari silang magsama-sama bilang isang “pamilya”, nang walang usapin na kailangang talakayin. At magpupulong sila ngayong taon sa ating bansa, na napanatili ang mabuting ugnayan sa lahat.