JOHN LLOYD AT ANGELICA copy

INAMIN ni Angelica Panganiban sa Banana Sundae presscon nitong nakaraang Huwebes ng gabi na mas mahal niya ang gag show na Banana Split kumpara sa seryeng Pangako Sa ‘Yo. Gumaganap siya sa PSY bilang si Madam Claudia na mortal na kaaway ni Amor Powers (Jodi Sta. Maria).

Kaya naman pagkatapos ng Q and A, agad tinanong si Angelica tungkol dito.

“Sa Banana Split kasi, ang laking bagay niya para sa akin, ha, kasi natutulungan niya talaga ako na kahit gaano ako ka-busy sa Pangako, walang tulog kasi everyday kami nagti-taping, pero ‘yung taping ng Banana Split, ang laking tulong niya sa akin kasi para akong nare-recharge kahit walang tulog kasi siguro magaan ‘yung ginagawa n’yo ‘tapos parang pamilya kayo. Iba siya sa akin,” paliwanag ni Angelica.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Oo nga naman, masyadong mabigat ang Pangako Sa ‘Yo at hindi man sabihin ng aktres ay stressed siya sa taping kumpara sa Banana Split na parang naglalaro lang sila. Kaya siguro nasabi niyang mas mahal niya ito, at siyempre dahil pitong taon na rin naman ito sa ere kumpara sa PSY na ilang buwan pa lang.

Wala ba siyang agam-agam sa paglipat ng timeslot at araw ng Banana Split na magiging Banana Sundae na dahil hindi pa alam kung tatangkilikin ito ng viewers na nasanay nang napapanood sila gabi-gabi hanggang Sabado?

“Well, I don’t think may gagawin ang management na sa tingin nila ay hindi namin kaya. Kung baga, ang laking tiwala ‘yung ibinigay sa amin, parang iyon dapat ang kapitan namin na ‘yung mga boss namin, ganito ang tingin sa amin, dapat huwag maliitin ang mga sarili namin at maniwalang kaya namin ito,” positibong sagot ni Angelica.

Bilang orihinal na mainstay ng Banana Split, ano sa tingin niya ang naiaambag niya sa show kaya hindi siya pinakakawalan pagkalipas ng pitong taon?

“Kasi ‘yung ibang mga kasama ko nag-iba-iba ng direksyon, like si Roxanne (Guinoo), mas gusto niya tahimik lang muna since nagka-baby siya, nagpakasal, ganu’n. Iba-iba ‘yung na-explore.

‘Tapos ako, wala naman akong gustong i-explore kasi hindi naman ako nag-asawa (natawa), kaya siguro tadhana lang talaga na dito lang, kaya masaya naman.

Hindi ko naman ipinagyayabang na ganu’n, parang katulad ni Mamang (Pokwang), bumalik siya, hindi namin mararating ang seven years na ito kundi dahil sa mga nagsimula, sa mga sumama sa amin sa simula,” paliwanag ng aktres.

Tumuntong na sa 29 years old si Angelica nitong Nobyembre 4, kaya may nagtanong kung nakamit na ba niya ang lahat ng gusto niyang makamit.

“Parang ang hirap sabihin nu’n. Kasi kahit ‘yung mga matatanda na kaibigan or ‘yung mas mature talaga sa akin, ‘yung iba nga retired na, pero parang hindi mo ‘ata masasabi ‘yun na na-achieve mo na lahat.

“Kasi, parang everyday, habang buhay ka naman, may bago at bago kang gustong subukan, di ba?” katwiran ng dalaga.

Naitanong din kung may plano na ba sila ng boyfriend niyang si John Lloyd Cruz, na edad 32 naman.

“Hindi,” mabilis na sagot ng dalaga, “wala, kasi alam mo ‘yun, may assurance naman na solid kami. Pero sa ngayon, parang ang saya pa nu’ng takbo ng career. Ang dami ko pang akala ko hindi ko magagawa.

“Puwede pala akong maging nanay ng isang 19 years old (Daniel Padilla). Nakakaano, eh, nakakabigla ‘yung mga pangyayari nowadays. So, parang ang hirap sabihin, hindi mo talaga mapi-predict.

“So, ngayon, kung ano ‘yung meron sa akin ngayon, talagang ibinibigay ko ‘yung 100 percent ko sa trabaho ko. Gano’n din naman siya (Lloydie), kasi sayang ‘yung opportunity kung palalagpasin namin.

“And I’m sure ‘yung mga ganyang bagay, makapaghihintay. Pero ‘yung chance na makapag-portray ka ng mga pinapangarap mong roles, na siyempre ang hinihingi ay single ka, so parang okay pa naman. Wala namang pagmamadaling nangyayari.”

At dahil siguro walang intriga kina Angelica at John Lloyd, may nagtanong na may tsikang hiwalay na raw sila.

Game naman itong sinagot ng aktres, “Feeling ko palapit na ulit. Ganyan ‘yan, eh. Totoo ‘yan. Malapit na ulit, may season ‘yan, eh. Ano ‘yan, eh, ‘pag walang pictures sa Instagram, hayan, hiwalay. Eh, ayoko kasing nagpu-post ng gano’n.

“Kung magpu-post ako, magpu-post ako. ‘Tsaka, I think, very private talaga para sa amin kung ano ‘yung meron kami,” seryosong sabi ng dalaga. (REGGEE BONOAN)