HINDI nagbabago ang aking paninindigan hinggil sa pagpapatupad ng parusang kamatayan bilang hadlang sa karumal-dumal na krimen. Marami nang pagkakataon na ito ay napatunayan, dangan nga lamang at ang pagpapatupad nito ay paudlot-udlot o lumamig-uminit, wika nga. Katunayan, dumating ang pagkakataon na ang naturang parusa ay pinawalang-bisa at ginawang habambuhay na pagkabilanggo na lamang.

Ang kaliwa’t kanang panawagan sa pagpapabalik ng death penalty ay bunsod ng kaliwa’t kanan ding krimen na maliwanag na bunsod ng pagkalulong sa droga. Isipin na lamang na ang 92 porsyento ng mga barangay sa Metro Manila—at maaaring sa iba pang panig ng kapuluan—ay talamak sa ipinagbabawal na gamot. Hindi kataka-taka na ang kahindik-hindik na mga krimen ay kagagawan ng mga durugista.

Tuwing lumulutang ang naturang mga panawagan, hindi maiiwasang banggitin ang pagpatay sa isang dayuhang drug lord sa pamamagitan ng firing squad. Si Lim Seng ay sinasabing napatunayan na hindi lamang nagbebenta kundi gumagamit pa ng bawal na droga. Naganap ito nang hindi pa idinedeklara ang martial law. Mula noon, wala akong natatandaang drug lord o drug addict na nagumon sa bawal na gamot.

Hindi lamang sa mga drug lord dapat ilapat ang parusang kamatayan; dapat masakop nito ang walang pakundangang pagpatay, panggagahasa at iba pang capital offense. Sa gayon, matatahimik ang mga komunidad at mapapawi ang agam-agam ng mga mamamayan at maghahari ang katahimikan.

Ang mahigpit na pagtutol sa naturang panawagan ay dapat lamang asahan sa iba’t ibang grupong pangrelihiyon. Ang mga alagad ng Simbahang Katoliko, sa mula’t mula pa ay hindi na sumasang-ayon sa pagpapatupad sa death penalty. Matindi ang kanilang paninindigan: Tanging Panginoon lamang ang may karapatang bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha. Hindi silya elektrika o lethal injection.

Sa anu’t anuman, marami ang naniniwala na death penalty ang epektibong hadlang sa karumal-dumal na krimen.

(CELO LAGMAY)