lotto

“Malakas po ang feeling ko na may suwerte!”

Ito ang masayang-masayang pahayag ng grand prize winner ng Bingo Balita Papremyo nitong Linggo, ang 34-anyos na housewife na si Angelita Payot.

Nanginginig sa tuwa si Payot habang tinatanggap ang P15,000 grand prize na kanyang napanalunan sa Bingo Balita Papremyo ng Balita, na idinaos sa Sases Covered Court sa Barangay 803, San Andres, Maynila.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

Regular na mambabasa ng Balita ang asawang si Cresencio, sinabi ni Payot na matagal na niyang pinaghahandaan ang pa-Bingo ng pahayagan. Aniya, inipon niya ang mga logo ng dyaryo para maipalit ng Bingo cards.

Dating taga-San Andres ngunit ngayon ay naninirahan sa Antipolo City, na roon ay mayroon silang junk shop ng kanyang asawa at dalawang anak, maagang-maaga pa lang ay bumiyahe na si Payot patungong San Andres para makasali sa Bingo Balita.

“Talaga pong isinugal ko ang pamasahe pagpunta dito (San Andres) para makipagsapalaran,” ani Payot. “Malakas po ang pakiramdam ko na may swerte. Talagang umpisa pa lang, sabi ko sa kanila (ibang naglaro), wala akong pakialam sa ibang premyo, basta sa akin ang grand prize!”

Gagamitin ni Payot ang kanyang napanalunan para maipaghanda ang kanyang ina na magdiriwang ng kaarawan sa Disyembre 3, at tiniyak niyang masarap din ang pagsasalu-saluhan nilang mag-anak sa Pasko at Bagong Taon.

“Talagang maagang pamasko po ito. Salamat po sa Balita!” ani Payot.

Bukod kay Payot, nagwagi rin ng cash prizes na mula P500 hanggang P4,500 sa Bingo Balita sina Mary Joy Paghiligan, Arny Madayag, Norma Evangelista, Crisanta Ong, Mary Jane Batoto, Teresa Paredes, Vilma Coral, Zenaida Becco at Janice Calvadores. (MARY ANN SANTIAGO)