Isang 20-anyos na dalaga, na kinidnap sa Tondo, Maynila at apat na araw na ginawang sex slave ng drug addict niyang kapitbahay, ang nailigtas.

Nailigtas ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 5, sa pamumuno ni Supt. Romeo Juan Macapaz, ang biktimang taga-Baseco Compound sa Tondo.

Nakapiit na ang naarestong si Ibrahim Giama, alyas “Kacko”, 23, ng Block 15, Baseco Compound, Tondo, at kakasuhan ng serious illegal detention at physical injury na may kaugnayan sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Children).

Batay sa reklamo ng biktima, Marso 15 nang kidnapin siya ng suspek at ikulong sa isang bahay sa Mapulang Lupa, Valenzuela City, matapos silang mamasyal kasama ang isang kaibigan sa Roxas Boulevard.

Ahas na mas makamandag daw sa cobra, namataan sa baha sa CamSur

Aniya, pinaamoy siya ng pampatulog ni Giama at nang magising siya ay nakatali na siya sa loob ng isang madilim na bahay at kapag tumatanggi siyang makipagtalik ay sinasaktan umano siya ng suspek.

Sa ikaapat na araw ng pagkakakulong ay nakatiyempo ang biktima sa natutulog na suspek at nakuha niya ang cell phone nito. Nakapag-text siya sa isang kaibigan, na agad tumawag sa pulisya.