Inaprubahan ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC) Southeast Asian Games Task Force ang paglahok ng mga atleta na pribadong pinondohan para mapasama sa pambansang delegasyon na lalahok sa 28th SEA Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.

Ito ang sinabi ng isang mataas na opisyal ng POC na kabilang sa nagrebisa at nag-apruba sa bawat atleta na magiging parte ng delegasyon ng Pilipinas sa muling paglahok sa kada dalawang taong torneo.

Kabilang sa tinaguriang “privately-funded” ay ang men’s at women’s volleyball team sa ilalim ng bagong buong Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) na susuportahan ng isa sa malaking kompanya ni businessman at sports patron Manny V. Pangilinan.

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

Habang sinusulat ito ay patuloy pang isinasagawa ang pagrebisa sa listahan ng 33 national sports associations (NSA’s) na nakatakdang lumahok sa itinakdang 36 sports na paglalabanan sa pang-rehiyong torneo.

Target ng POC at PSC na makabangon ang bansa mula sa masaklap na kampanya may dalawang taon na ang nakalipas sa Myanmar SEAG kung saan ay tumapos na nasa ikapitong puwesto sa naiuwing 29 ginto, 34 pilak at 37 tanso.

Kahapon ay isinumite naman nina LVPI national coaches Roger Gorayeb at Sammy Acaylar ang listahan ng mga manlalarong isasali nito sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Under 23 Championships at maging sa Singapore SEA Games.

Magpapadala din si Gorayeb ng pormal na imbitasyon sa 20 manlalaro na bubuo sa national pool na agad ipadadala para sumailalim sa matinding pagsasanay sa Japan bago tuluyang piliin sa huling 12 linggo bago ang pagsisimula ng kompetisyon.

Sa kasalukuyan ay 10 manlalaro na ang nagpasabi ng kanilang interes sa pagsali na kinabibilangan nina Alyssa Valdez, Jia Morado at Bea de Leon ng Ateneo de Manila University (ADMU), Gretchen Soltones at Alyssa Eroa ng San Sebastian College, at sina Myla Pablo at Jaja Santiago ng National University (NU).