Maliban kung mayroon pang mga legal na pamamaraan, kailangang ipatupad agad ang utos ng Supreme Court (SC) hinggil sa paglilipat ng mga oil terminal sa Pandacan (Maynila). Marapat nang tumalima sa naturang utos ang tatlong malaking oil company – Pilipinas Shell Petroleum Corporation, Chevron Philippines, Inc. at Petron Corporation – pagkatapos pawalang-bisa ang isang ordinansa ng Manila City Council na pagpapahintulot sa pananatili ng mga ito sa siyudad.

Maliwanag ang utos ng SC: Pag-aalis ng lahat ng mga pasilidad sa oil terminals at hindi lamang ang paghihinto ng operasyon ng mga ito. At inatasan si Mayor Erap Estrada na pamamahalaan ang relokasyon ng naturang mga kompanya ng langis sa labas ng Maynila.

Ang patuloy na operasyon ng nabanggit na mga oil company sa Pandacan ay matagal nang inirereklamo ng sambayanan hindi lamang sa Pandacan kundi sa buong siyudad at mga kanugnog na bayan. Ito ay laging nagdudulot ng panganib sa atin, lalo na ngayon na ang mga terorista ay walang patumangga sa pambobomba ng energy facilities, tulad ng nagaganap sa ilang bahagi ng Mindanao. Sa isang iglap, ang pagsabotahe sa Pandacan depot, huwag naman sanang mangyari, ay maaaring magdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian ng sambayanan. Isipin na lamang na ang Malacañang compound, ang tahanan ni Presidente Aquino, halos ilang hakbang lamang ang layo sa naturang depot.

Talagang kailangang ilipat kaagad ang naturang oil depot. Huwag na nating hintayin ang malalagim na kalamidad na maaaring dumaluhong sa atin anumang oras. Nakapangingilabot ang pamiminsala ng mga ito, tulad halimbawa ng nangyari sa isang oil refinery sa Ichihara City sa Japan; niyanig ito ng malakas na lindol na nagbunga ng tsunami na kumitil ng maraming buhay at puminsala ng mga ari-arian.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Hindi malaking kawalan sa nabanggit na mga oil company ang paglilipat ng kanilang mga terminal, lalo na kung isasaalang-alang na maraming dekada na rin silang nakinabang sa kanilang operasyon. Sana hindi sila maging manhid sa pagdama ng panganib na maaaring dumating sa ating buhay.