Mariel at Robin

MAGPAPATAWAG ng separate presscon si Robin Padilla tungkol sa post niya sa social media na aalis siya sa Pilipinas dahil dismayado siya sa desisyon ng korte na palayain ang Maguindanao Massacre suspect na si Sajid Ampatuan sa bail na P11.6M.

Bagamat kaparehong Muslim ay hindi pabor ang aktor sa nangyari dahil maraming inosente ang namatay kasama na ang mga sibilyan at media.

Sa press launch kasi ng Ascof Lagundi para kay Robin bilang bago nilang endorser, may nagtanong sa aktor tungkol sa post niya pero hindi naman makapagbigay ng detalye si Robin dahil nahihiya siya sa Pascual Laboratory na namahala sa okasyon.

National

Unemployment rate sa ‘Pinas, bumaba sa 3.9% – PSA

Pero balido ang katanungan kung paano maipo-promote ni Robin ang Ascof Lagundi kung aalis siya ng Pilipinas.

“Ang para sa akin, ang organic walang pinipiling lugar, kaya maski saan ako makarating, hindi naman siguro ako bibitawan ng Pascual o wala man ay tuluy-tuloy ako sa organic revolution ko, nagkataon lang na pinagtagpo kami ng tadhana kaya nandito kaming dalawa,” paliwanag ng aktor.

Seryoso ba si Robin sa post niya o baka naman dahil sa mga iniendorso niya ay mababago ang isip niya.

“Isa lang ang sasabihin ko, hindi ako magpo-post ng isang bagay na hindi ako seryoso,” diretsong sagot ng aktor.

Anyway, bago tinanggap ni Robin ang Ascof Lagundi ay nakipag-deal muna siya sa may-ari ng Pascual Laboratory na si Chairman Abraham F. Pascual na susubukan muna niya ang nasabing produkto bago niya tatanggapin.

“Nu’ng unang pinitch sa akin ‘to, sabi ko ayaw ko ng mga gamot kasi hindi ako uminom ng gamot kasi kami ni Mariel organic pero ‘nung nakita ko na organic talaga ang ASCOF Lagundi pumayag na ako. Marami po tayong gamot na maiinom na available over-the-counter na gagamutin ‘yung sakit mo pero sisirain naman ‘yung liver at kidney mo, kaya sa organic tayo,” pahayag ng aktor.

Naibahagi rin ng aktor na kapag nagkukuwentuhan sila ng asawa niyang si Mariel Rodriguez, “Sinasabi ko parati na siguradong mauuna ako sa ‘yong papanaw kasi mas matanda ako, pero parati niyang sinasabi na, ‘hindi pahahabain ko ang buhay mo, hindi pupuwedeng mauna ka’. Minsan talaga nagiging corny kapag in love ka.

“Kaya ang naging solusyon ay take organic. Ganyan ang mga ginagawa sa mga first world country, organic na talaga sila at talagang healthy living sila.

“Si Mariel, nu’ng first year naming dalawa, talagang pinag-aaralan muna namin kasi wala ka pa naman alam so bumibili pa lang. Second year, nagpupunta na kami sa iba’t ibang bansa para pag-aaralan kung ano ang organic, nakarating kami ng Sweden, Spain, kasi lahat ng tao roon, puro organic.

“’Yung third year namin, nagtatanim na po kami, into farming na siya ngayon. Ganu’n na po kami kaseryoso sa organic. Kaya nu’ng dumating itong offer, Ascof, nagulat kami kasi organic, eh, nag-aaral pa si Mariel sa General Santos City, sa Saranggani, eh, meron naman pala sa Nueva Ecija, one-hour and a half lang sa Maynila.

“‘Yung ginagawa po namin ay para humaba ang aming love story, organic na pamumuhay.

“Nu’ng panahon na ako’y nasa kadiliman dahil sa droga, buwan-buwan yata ay nasa hospital ako, bata pa ako no’n. Eh, ngayon ho mula nang mag-organic ako, wala kayong mababalitaang naospital ako.

“‘Yan ho ang isang bagay na ipagyayabang ko. Ako po ay very lean, at masasabi ko po na maski hawakan ninyo ang mukha ko ngayon ay wala ‘yang tulong ng kahit na sinong derma, hindi po ako nagpapa-derma, wala po akong bahid na kahit na anong salamat dok.

“Very healthy po ako, hindi ko maipaliwanag, ang sabi lang po ng doktor tuwing magpapa-check up ako, ‘you have the body of an 18 year old man, (sigawan ang mga nakikinig sa presscon) at ‘yung performance naman po, siguro si Mariel na lang ang tanungin ninyo,” tumatawang kuwento ni Robin. (Reggee Bonoan)