KALIBO, Aklan – Dumanas ng walong oras na brownout ang Kalibo matapos sumabit sa utility wires ang isang RoRo bus noong Sabado ng umaga.

Kaagad na sumuko sa Kalibo Police ang driver ng Vallacar Transit na si Ruel Hernandez.

Base sa imbestigasyon ng awtoridad, galing sa Batangas City ang bus at patungong Iloilo nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Hernandez, hindi niya napansin ang lumaylay na kable ng kuryente.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Dahil sa pagkakasabit, naputol ang utility wires na naging dahilan para maputol ang ilang poste ng kuryente at masira ang tinatayang 40 metro ng electrical wirings.

Nahagip din ng naputol na poste ang dalawang nakaparadang sasakyan at ilang kabahayan.

Wala namang nasaktan sa insidente at ligtas din ang 39 na pasahero ng nasabing bus.

Nangako naman ang bus company na babayaran ang danyos na dulot ng aksidente.