Marian Rivera

AYAW magbigay ng reaction ang bagong endorser ng four scents ng Bench na si Marian Rivera-Dantes nang kulitin ng entertainment press, pagkatapos ng matagumpay na launching niya sa Trinoma Activity Center last Saturday evening, sa biruan nina Vice Ganda at Karylle sa It’s Showtime nang may nagtanong sa audience tungkol sa pagkakaroon ng two-timer boyfriend.

Sa halip sumagot, binalingan ni Vice si Karylle at tinanong kung naranasan na nitong magkaroon ng two-timer boyfriend. Umiwas sana si Karylle pero hindi siya tinigilan ni Vice hanggang sa umamin itong nagkaroon nga siya ng boyfriend na two-timer. Dahil si Dingdong Dantes lang ang alam ng press na naging ex-boyfriend ni Karylle, inisip nang ang aktor ang tinutukoy nila.

“Si Dingdong ba ang sinabi niya?” tanong ni Marian. Wala namang sinabi, sagot ng mga kausap.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

“Wala naman palang sinabi. Bakit si Dingdong lang ba ang ex niya? Kung sinabi niyang si Dingdong iyon, doon ako magri-react. Baka sabihin naman assuming akong masyado o defensive, di ba? Saka nagbibiruan lang yata sila. Pero ang alam ko, sa Eat Bulaga, sa segment naming ‘Juan For All All For Juan,’ meron kaming ‘Problem Solving,’ matagal na, kaya kung may question kayo, p’wede kayong pumila at sasagutin ko at magbibigay ako ng advice,” pabirong pang sagot ni Marian. “Pero minsan, mahirap talagang magbigay ng advice.”

Ano ang masasabi niya na hanggang ngayon ay lagi pa ring nadadawit ang pangalan ni Dingdong sa ganoong issue?

“Siguro, ganito na lang. Malaki ang respeto ko sa asawa ko, mahal ko ang asawa ko. At may kanya-kanya na kaming mga buhay, kaya sana maging masaya na lamang sila sa buhay may asawa, dahil ako, sobrang saya ko. Ang sarap yatang gumising sa umaga na ang guwapo ng katabi mo, ha-ha-ha!”

Ipinagluluto niya ng almusal si Dingdong, lalo na kung maaga itong aalis kaya gabi pa lamang ay sinasabi na sa kanya, at ang isasagot niya, ipagluluto niya ito ng breakfast.

“Simple lang naman ang asawa ko, hindi siya mapili, egg, bacon, basta may tinapay siya na isasawsaw sa kape, ayos na ang almusal niya. Lahat naman ng niluluto ko para sa kanya, gusto niya. Kaya nag-aral akong magluto at mag-bake para may iba naman akong ipakakain sa kanya.”

So, ano pa ang ibang aabangan kay Marian?

“Ang nalalapit na pagsisimula ng bago kong soap na sa second week of March kami magsisimulang mag-taping, na ipakikita ko ang iba-ibang anggulo ng pag-ibig. Yes, naiiba ang character na gagampanan ko, at patutunayan namin na hindi lamang mga beki ang dapat hangaan kundi ang tulad din sa role na gagampanan ko. Tuloy pa rin ang mga regional shows ko at ipadadala ako ng GMA Network sa April sa USA and Canada at may iba pang out of the country shows.”

Paano kung mabuntis na siya habang ginagawa ang bago niyang soap?

“Hanggang kaya ko pang magtrabaho… Mabait sa akin ang GMA at alam nila kung ano ang gagawin if ever maging preggy na ako. Sa ngayon kasi, hindi mo naman maiaalis sa mga tao ang lagi kaming tanungin kung kailan kami magkakaanak, pero ayaw naming magpa-pressure. Basta sa ngayon ini-enjoy muna namin ang lahat ng oras na magkasama kami. Sino ba ang ayaw magkaanak na kami, pero sa time ng Panginoon iyan.”

May apat na scents na ini-endorse si Marian, ang Perfect Kiss, Perfect Love, Perfect Moments at Inner Beauty. Aniya, katulong siyang namili ng scents na alam niyang babagay sa anumang okasyon. Naamoy na raw lahat iyon ni Dingdong, at pinakagusto nito ang Inner Beauty. Pagkatapos ng interview, nagtagal pa si Marian sa venue dahil nagkaroon pa siya ng autograph signing sa napakaraming naibenta ng Bench before and during the launch.