CAMP JUAN, Ilocos Norte – Namatay ang isang barangay kagawad habang malubha namang nasugatan ang kanyang anak na babae matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Santa Maria sa Laoag City, Ilocos Norte, noong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Supt. Jeffrey Gorospe, hepe ng Laoag City Police, ang napatay na si Jessie Jacinto Sr., 50, kagawad ng Bgy. Santa Maria, Laoag City at leader ng samahan ng mga tricycle driver sa siyudad.

Nasugatan sa insidente ang anak niyang si Jacklyn Jacinto, 27, na tinamaan ng bala sa binti at naka-confine pa sa ospital.

Kinilala ni Gorospe ang isa sa mga suspek bilang si Luchimbar Maximo, ng Cauayan City, Isabela, na naaresto kalaunan.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Pinangalanan ni Maximo ang iba pang suspek na sina Jonathan Zapata, 42, ng Lal-lo, Cagayan; at Michael Rumbaoa, taga-Bacarra, Ilocos Norte.

Sa interogasyon, inamin ni Maximo na inupahan sila ng P25,000 upang patayin ang kagawad.

Ayon sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong 8:30 ng gabi nitong Pebrero 28.

Nagmamaneho ng tricycle ang biktima kasama ang kanyang asawa, at pasahero ang anak na si Jacklyn at kanyang mga apo nang pagbabarilin siya ng mga suspek.

Sinabi ni Gorospe na tinutugis na ang dalawa pang suspek bagamat naisampa na ang kaso laban sa mga ito. - Freddie G. Lazaro