Dahil sa kanyang record breaking performance sa triple jump sa katatapos na NCAA Season 90 athletics competition, kung saan ay itinala niya ang bagong meet record na 15.92 meters, malaki ang tsansa ng hinirang na meet MVP sa seniors division na si Mark Harry Aloto Diones na mapabilang sa national team na sasabak sa darating na Singapore Southeast Asian Games sa Hunyo.

Ang naitalang marka ni Diones ay pangtalo sa record na nakaguhit sa Philippine athletics kasunod ng national record na 16.12 meters na hawak ni Joebert Delicano at 15.96 meters na naiposte naman ni Benigno Marayag.

Naniniwala si Posadas na malaki ang pag-asa ng 22-anyos na tubong Libmanan, Camarines Sur para mapahanay sa national team dahil sa kaya umano nitong abutin ang record ng bronze medalist noong nakaraang SEA Games sa nasabing event na 16.12 meters.

“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga taong tumulong at sumuporta para makamit ko ang tagumpay na ito. Hindi ko naman po ito magagawa lahat kung hindi dahil sa kanila, una po sa gabay ng Panginoon, ng aking mga magulang, ng aming coaches at lalo na po sa suporta ng management ng JRU na si Dr. Vincent Fabella at ang aming athletic director na si Paul Supan,” pahayag ng 5-foot-11 na si Diones.

Metro

Suspek sa kasong frustrated homicide, timbog sa ilegal na droga

Nagmana sa kanyang mga magulang na sina Maximo Sr., isang dating marathoner, at Luzviminda na isa ring track and field athlete sa kanilang lugar sa Bicol, sinabi ni Diones na pagsisikapan niyang mabuti na mapabilang sa national team para maipagpatuloy ang pangarap ng kanyang mga magulang.

“Para po sa kanila lahat ito.”

Ang lahat ng mga record breaker at maging ng gold medal winners sa nakaraang track and field championships ay nakatakdang irekomenda para mapabilang sa national pool ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA), ayon kay PATAFA secretary-general Renato Unso.