Ipinagharap ng kasong tax evasion sa Department of Justice (DoJ) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga opisyal ng Camp John Hay Leisure (CJHL), Inc. dahil sa umano’y hindi pagdedeklara ng tamang buwis na aabot sa P88.54 milyon.

Ang CJHL ay isang domestic corporation na nangangasiwa sa Camp John Hay Manor sa Baguio City.

Kinilala ni BIR Commissioner Kim Jacinto Henares ang mga kinasuhan na sina Alberto Qavancena, presidente ng kumpanya; Rialena Magat, at Rodeen Corpuz kapwa comptroller.

Base sa imbestigasyon ng BIR, lumilitaw na kumita ang CJHL, Inc. ng P34.53 milyon noong 2006, P40.92 milyon noong 2009, P39.76 milyon noong 2010, at P44.52 milyon noong 2011.

PBBM, may mensahe sa araw ng Immaculate Conception: 'Serving others with compassion and humility'

Subalit ayon sa ahensiya, kulang naman ang idineklara nitong buwis na umabot sa P8.95 milyon na kinita ng kumpanya noong 2006, P11.60 milyon noong 2009, P11.33 milyon noong 2010, at P12.65 milyon noong 2011.

Kinasuhan ang CJHL sa paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code.